GABI-GABING umaani ng papuri si Jo Berry, ang bida sa GMA family drama na Onanay dahil sa mahusay niyang pagganap, kahit na baguhan lang siya.

Jo copy

Ano ang nararamdaman ni Jo kapag nababasa niya sa social media ang mga papuri sa kanya?

“Nakakataba po ng puso,” sagot ni Jo. “Pero hindi po lalabas iyong talent ko kung wala ang mga kasama ko. Sina Nanay Nora (Aunor), Ms. Cherie (Gil), sina Mikee Quintos, Kate (Valdez), Rochelle (Pangilinan), na lagi ko pong kasama sa eksena.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“May mga times po kung hindi ko makuha, tinutulungan nila ako. Medyo hirap po ako sa iyakan scenes, jolly person po kasi ako. Kaya pinag-aaralan ko pa talaga ang pag-iyak.”

Naikuwento ni Direk Gina Alajar na noong buhay pa si Lino Brocka ay tinuruan ng mahusay na direktor ang mga artista nito kung paano umiyak na isang mata lang ang may tumutulong luha, kung saang dialogue dapat tumulo ang luho, at manghang-mangha raw si Jo.

“Hindi po ako makapaniwala, pero ngayon pinag-aaralan ko at tina-try ko.”

Ano ang naging effect sa mga televiewers ng pagganap niya; kabilang sa little people pero palaban ang character bilang si Onay, na ipinaglalaban hindi lang ang sarili kundi ang mga mahal din niya sa buhay, tulad ng inang si Nelia (Nora) at anak na si Maila (Mikee)?

“Very thankful ako sa kanila. Sabi nila nai-inspire ko raw sila, naiiba ang perception nila sa mga little people na tulad ko, ‘yung nage-gain nilang respeto mula sa ibang tao.

“Nakakatuwa po na marami akong natatanggap na flowers and letters mula sa kanila, ipinadadala sa bahay namin. At ngayon po, hindi na ako makalabas na mag-isa ng bahay, ‘di tulad noon. Kapag nakilala po kasi nila ako, dinudumog nila ako. Marami sa kanila nagpapasalamat dahil sa aming show, marami nang nakaka-appreciate sa kanila.”

Si Ate Guy daw ay parang tunay na niyang nanay. Kapag may shoot sila na magkasama, madalas daw tsine-check nito ang likod niya kung basa siya ng pawis. At madalas ding nagbibigay ng pointers sa kanya ang multi-awarded actress kung may hindi siya makuha sa eksena.

Tinanong namin si Jo kung may nanliligaw ba sa kanya.

“Hindi ko po napapansin iyon, kung darating, darating iyon. Ang pinagtutuunan ko po ng pansin ang aking role bilang si Onay. Madalas po ang mga hugot ko, sarili ko nang character bilang si Onay. Iba po ang character ni Onay at talagang makakahugot ka sa kanya kung ano ang iaarte mo.”

Hindi pa pala pumipirma ng contract si Jo sa GMA. Ang kuya daw niya ang manager niya, at gusto muna nilang malaman ang outcome ng Onanay kapag natapos na itong naipalabas.

Napapanood ang Onanay gabi-gabi pagkatapos ng Victor Magtanggol.

-Nora V. Calderon