NAPAKA-PROFESSIONAL ni Superstar Nora Aunor. Hindi maganda ang pakiramdam niya nang bumisita kami sa set ng Onanay kamakailan.
Masyado kasing humid ang panahon at mainit doon sa bahay na ginagamit nila sa taping. Kaya naman siya, kasama sina Rochelle Pangilinan at Jo Berry ay kaagad na pumasok sa air-conditioned tent nila pagkatapos ng take.
Medyo ina-asthma na si Ate Guy pero hindi pa siya umaalis, dahil may isa pang eksena siyang kukunan. Hindi rin siya tumangging paunlakan kami nang kumustahin siya sa pagte-taping ng naiibang kuwento ng family drama series nila.
“Nag-e-enjoy ako sa taping dahil magaan lang at masaya kami lagi sa set,” sagot ni Ate Guy. “Napaka-professional ng mga kasama ko rito, sina Mikee Quintos, Kate Valdez, Enrico Cuenca, Rochelle Pangilinan, Gardo Versoza at si Jo Berry, na parang tunay ko nang anak. Napakagaling niyang umarte kahit na ito ang first teleserye niyang ginawa. Napakabait, masayahin, ang husay ng memorya, naging malapit na talaga ang loob ko sa kanya.”
Natanong namin kung wala siyang gagawing pelikula?
“Wala muna, ayaw kong pagsabayin ang paggawa ko ng teleserye at paggawa ng movie. Hindi ko pa alam kung hanggang kailan kami eere, wala pa silang sinasabi sa amin. Sabi, wala pa raw naman kaming kapalit na show.”
Pero inamin ni Ate Guy na ang nami-miss niya talaga ay ang pagkanta, dahil doon naman siya talaga nakilala. Binansagan noon na “The Golden Voice”, hindi pa rin kasi natutuloy ang pagpapaopera niya para bumalik ang dati niyang boses.
“Tulad ngayon, gusto ko mang magpaopera, hindi ako puwedeng umalis dahil sa ibang bansa gagawin ang operation. Ang operation sandali lang, pero ang matagal iyong recovery at kailangan pa ang therapy. Sa New York gagawin at baka abutin ako nang ilang buwan doon.
“Apektado ako kapag nakakarinig ako ng mga kumakanta na magaganda ang boses. Naiisip ko na sana nakakakanta na ako. Sabi ko nga, hindi ko puwedeng makalimutan ang pagkanta, dahil d’yan ninyo ako nakilala. Sumunod na lang ang pag-aartista ko,” sabi ni Ate Guy.
“May awa ang Diyos, gusto ko talagang maibalik ang boses ko.”
Sa Onanay, palaban na ina ni Onay (Jo) at lola ni Maila (Mikee) ang karakter ni Ate Guy bilang Nelia. Hindi siya natatakot labanan ang balaeng si Helena (Cherie Gil).
Mas higit pang revelation ang mapapanood sa Onanay gabi-gabi, pagkatapos ng Victor Magtanggol.
-Nora V. Calderon