Pinaalalahanan kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato na gumamit ng bagong form ng Certificate of Candidacy (COC) sa paghahain ng kandidatura para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).

Inilabas ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ang paalala kasunod na rin ng pag-arangkada muli nang paghahain ng COC sa mga tanggapan ng poll body, ngayong araw (Lunes).

Sa unang araw ng paghahain ng kandidatura, nagkaroon ng kalituhan sa mga kandidato nang hindi tanggapin ng Comelec ang inihain nilang COC form dahil luma ang mga ito.

Ito ay nang maglabas ng bagong COC form ang Comelec na mayroong Question No. 22 kung saan nakasaad ang katanungan kung nagkaroon na ng kaso ang kandidato, na may pinal na hatol at nagbabawal sa kanya na magkaroon ng anumang puwesto sa gobyerno.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binigyan din naman ng Comelec ng pagkakataon ang mga naturang kandidatong gumamit ng lumang COC, upang baguhin ang kanilang form at maisumite itong muli sa ibang araw.

Pinayuhan din ng Comelec ang mga kandidato na mayroon na lamang silang hanggang Oktubre 17, 2018 para magsumite ng kanilang kandidatura.

Ang COC filing para sa 2019 midterm polls ay sinimulan noong Oktubre 11 at magtatagal hanggang Oktubre 17.

Una nang sinabi ni Jimenez, na posibleng mailabas nila ang opisyal na listahan ng mga kandidatong papayagan nilang tumakbo sa eleksyon sa ikalawang linggo ng Disyembre.

-Mary Ann Santiago