SI Special Assistant to the President Chirstopher “Bong” Go ang nagsabi sa mga reporter sa Bali, Indonesia na simula nitong nakaraang Huwebes, si Presidential legal Counsel Salvador Panelo ang magiging Presidential Spokesperson kapalit ni Harry Roque.
Nasa Bali, Indonesia si Go kasama si Pangulong Duterte dahil dumalo sila sa pulong ng mga lider ng Southeast Asian Countries. “Sa ngayon, sinabi ng Pangulo na si Panelo ay Presidential Spokesperson at Presidential Legal counsel pa rin,” wika pa ni Bong Go. Aniya, si Roque ay nakabakasyon at pinag-aaralan pa niya ang gagawin niyang hakbang. Wala raw dini-dismiss. Pero, nang tanungin si Roque ng mga mamamahayag sa Malacañang kung alam na niya na siya ay pinalitan na, ang sagot niya ay, “Hindi pa”. Nasa China siya ngayon at aniya sa kanyang text message ay maghintay na lamang ang mga mamamahayag sa susunod na linggo. “Hindi ako nagbibitiw,” dagdag pa niya.
Dapat nang magbitiw si Roque dahil sa ginawang ito ng Pangulo sa kanya. May magagawa pa ba siya para mahadlangan ang pagpapalit ng Pangulo sa kanya? Una rito, inihayag ng Pangulo na nagbanta si Roque na siya ay magbibitiw at ang sagot sa kanya ng Pangulo ay, “Sige at agad akong kumuha ng hahalili sa kanya.” Sabi pa ng Pangulo, hindi niya kailangang ipaalam kay Roque ang lahat ng nangyayari sa kanya. Mayroon daw mga bagay na ang dapat lang makaalam ay ang miyembro ng kanyang pamilya. Marahil ay nakarating sa Pangulo ang sinabi ni Roque sa hindi ipinaalam ng Pangulo sa kanya ang pagpunta nito sa Cardinal Santos Memorial Hospital, kaya nagsinungaling siya sa taumbayan na nasa Malacañang ito at nagpapahinga lang. Hindi nagustuhan ng Pangulo ang sinabi ni Roque sa publiko na dapat, bilang spokesperson, ipinaalam nito ang pagtungo ng Pangulo sa ospital.
Walang nagagandahan sa ginawa ni Pangulong Digong kay Roque. Itinuring niya itong yagit na walang dangal pagkatapos niya itong pakinabangan. Pero, ano pa ba ang maaasahan natin sa Pangulo? May paraan siya kung paano niya gamitin ang kanyang kapangyarihan. Masama na nga ito sa panlasa, masama pa rin sa panlasa ang ginagawa ni Roque. Ang ginawa sa kanya ng Pangulo ay nauna na niyang ginawa kay Bise-Presidente Leni Robredo. Hinirang niya itong pinuno ng House Land Use Resettlement Board na bahagi rin ng Cabinet na dumadalo sa pulong. Nang patalsikin ng Pangulo si VP Robredo, si Bong Go ang nagsabi at kinumpirma ni Executive Secretary Mediadea, na hindi na pinadadalo ng Pangulo si VP leni sa Cabinet meeting. Nagresign si Robredo dahil dito.
Ito na lang ang tanging magagawa na ni Roque kung mayroon pa siyang natitira at pinahahalagahang karangalan. Sa isang banda, maikikintal mo sa isipan ng Pangulo na ang kapangyarihang taglay niya ngayon ay pansamantala lamang at ipinagkaloob ito sa kanya ng mamamayan. Isa itong paraan ng paggamit niya sa kanyang kapangyarihan.
-Ric Valmonte