PAGKARAAN ng unang round ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament, nangunguna para sa Most Valuable Player race ang transferee at Nigerian student-athlete ng University of the Philippines na si Bright Akhuetie.
Ang dating 2-time NCAA Seniors Basketball Mythical Team member, ay nakatipon ng 77.0 statistical points (SPs) matapos ang pitong laro kung saan sya nagtala ng kabuuang 110 puntos, 110 rebounds, 25 assists, 6 steals, at 5 blocks.
Pumapangalawa sa kanya ang topgun ng University of the East na si Alvin Pasaol na may nalikom na 71.57 SPs.
Si Pasaol ang kasalukuyang league’s leading scorer sa naitala nitong average na 23.71 puntos.
Kasunod naman nila bilang pangatlo si Ateneo big man rookie Angelo Kouame na may 68.43 SPs, mula sa kanyang average na 12.0 puntos, 12.43 rebounds, at 3.86 blocks per game.
Kasama nilang pumasok sa top 5 sina La Salle big man Justine Baltazar (64.57) at UP guard Juan Gomez de Liano (60.57).
Sa labanan naman para sa top rookie , nangingibabaw si CJ Cansino ng University of Santo Tomas na may (7) 57.43 SPs habang malayo namang pumapangalawa si Dave Ildefonso ng National University na may 48.86 SPs.
-Marivic Awitan