NITONG Mayo, nagkaroon ng katuparan ang matagal ng pangarap ni Paul Zamar na makapaglaro sa PBA.

At nitong Lunes, nabigyan pa ang dating UE Red Warrior ng bonus nang mahirang na Cignal-PBA Press Corps Player of the Week para sa buong linggo ng Oktubre 1-7 sa ginaganap na 2018 PBA Governors’ Cup.

Nangibabaw ang panganay na anak ni San Miguel assistant coach Boycie Zamar sa itinala ng Blackwater na back-to-back wins kontra Meralco at Rain or Shine na nagpatibay din sa top 4 bid ng koponan.

Nagtala ang 30-anyos na si Zamar ng average na 12 puntos, 5 rebounds at 1 assist sa nakaraang dalawang laro ng Elite upang ungusan ang teammate na si Allein Maliksi gayundin sina Alaska guards Simon Enciso at Chris Banchero at forward Vic Manuel, Ginebra big man Japeth Aguilar, Tinyente LA Tenorio at ang beteranong si Mark Caguioa, Magnolia ace playmaker na si Paul Lee, at mga kakampi nitong sina Mark Barroca at Ian Sangalang at mga Columbian big men na sina Sean Anthony at Mo Tautuaa para sa lingguhang citation.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kontra Meralco, nagtala si Zamar ng 10 sa kanyang 13 puntos na output sa final period, na dinagdagan pa niya ng isang crucial block kay Anjo Caram bago sinelyuhan ang panalo (94-91)sa pamamagitan ng game-winning three noong Biyernes.

Napanatili niya ang kanyang mainit na opensa nitong Linggo makaraang umiskor ng 11 puntos, bukod sa 8 boards at isang assist nang gapiin ang Rain or Shine, 99-93.

Dahil dito, mayroon na ang Blackwater na impresibong markang 6-1 record, panalo-talo para sa best start ng kanilang prangkisa sa PBA history.

Napili sa fourth round (35th overall) noong 2012 PBA Rookie Draft ng Ginebra ngunit di nakapirma, pinagsikapan ni Zamar na maabot ang kanyang pangarap sa pamamagitan ng matiyagang paglalaro sa PBA D-League hanggang mabigyan ng break sa Thailand Super Basketball League kung saan siya napansin makaraang magkaroon ng mahalagang papel sa naging pag-abot ng kanilang koponang Mono Vampire sa Finals ng 2018 Asean Basketball League.

-Marivic Awitan