Dumami pa ang bilang ng pamilyang Pinoy na itinuturing ang kanilang sarili na mahirap.
Sa resulta ng 3rd quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), pumalo na sa 52 percent, o nasa 12.2 milyong pamilyang Pinoy, ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap.
Mas mataas ito ng 1.1 milyon, kumpara sa 48% o 11.1 milyong pamilya na naitala nitong Hunyo 2018.
Ang self-rated poverty para sa buwan ng Setyembre ay itinuturing na pinakamataas na simula noong Disyembre 2014, na mayroong 52%.
Pinakamalaki ang naitalang pagtaas sa self-rated poverty sa balance Luzon na ngayon ay nasa 47%; Mindanao, 65%; habang hindi naman nagbago sa Visayas sa 67%; at ang Metro Manila ay nagtala ng record-low na 26% mula sa 43% nitong Hunyo.
Natukoy naman sa self-rated poverty threshold na kailangan ng mga pamilya kada buwan ng P15,000 hanggang P10,000 para hindi maikonsidera ang sarili bilang mahirap.
Isinagawa ang SWS survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 na Pinoy adults sa buong bansa.
Kaugnay nito, nangako naman ang gobyerno na titiyakin ang kapakanan ng mahihirap na pamilyang Pilipino.
“Walang pamilyang Pilipino ang dapat magutom. Iyan ang atas at hangarin ng Pangulo,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque.
“Government has thus implemented measures to cushion the impact of inflation and bring food on the table of poor families.”
-Beth Camia at Genalyn D. Kabiling