NITONG nagdaang buwan ay nabigyan ako ng ilang pagkakataon na maging panauhing tagapagsalita ng Cebu Association of Media Practitioners (CAMP) at ng Speakers Bureau, isang samahan mula sa halos 80 barangay sa Cebu City. Layunin ng mga pulong na gumawa ng hakbang ng “pagbabago”, na aakma sa paraan ng pamamalakas ni Pangulong Rodrigo Duterte. Imbes na tumayo lang sa harap at magtalumpati, humingi ako ng pisara (white board) at marker upang magturo sa loob ng halos dalawang oras.
Sa unang lupon, ibinahagi ko ang “Ethics of Journalism” para sa mga radio commentators at tinaguriang “block timers”. Ito ‘yung mga komentarista na umuupa ng oras sa mga istasyon ng radyo at nagbabayad mula sa sa sariling bulsa para makagamit ng pasilidad. Ibig sabihin, hindi sila empleyado ng korporasyon ng media. Palagi kong ipinagdidiinan sa mga nasabing mga komentarista, lalo na ang mga sang-ayon sa kalakarang “AC-DC”(Attack & Collect, Defend & Collect) na raket ng ilan sa ating kasamahan sa trabaho, na kung may pupunahin o hahambalusin sila ay gamitin ang katotohanan. Huwag o iwasang batikusin ang kanilang mga sinisipat na pulitiko gamit ang kasinungalingan. At kung maaari ay walang personalan. Isyu ang ibato.
Sa ganitong pamamaraan, napipilitan silang pag-aralan ang mismong pamamalakad, polisiya, programa de gobyerno, at iba pa. Mahalaga para sa kanila ang magtanung-tanong, mag-imbestiga, at makipag-usap sa lahat ng may kinalaman sa isyu. Tsaka lang sila maaaring makapagpanday ng seryoso at tumpak na pananaw sa radyo kapag marami na silang nakalap na impormasyon.
Sa darating na halalan, pipili din sila kung sino ang pulitikong tila maghahanap-buhay dahil isa palang magnanakaw, at kung sino ang taos-pusong maglilingkod sa bayan. Hindi lahat ng pulitiko ay tatakbo para sa sariling bulsa. Ito ang mga public servant na matitino at malinis magtrabaho na dapat tulungan kahit walang inaabot na pampadulas.
Pinaalalahan ko rin sila na ang buod sa kuwento ng Pilipino ay maaaring bihagin sa talambuhay ng bawat pamilyang Pilipino (sakripisyo, utang, baha, pagpunta sa ibang bansa, atbp) at sa bawat kabanata sa kuwento ng bayan. Oras na para magbago ang iba nating kababayan na nabibili ng pera ang boto, at yakapin ang pagboto na galing sa puso.
-Erik Espina