SA pagsisikap na mapaganda ang serbisyo ng Internet sa Pilipinas, sinimulan ng pamahalaan ang hakbang na makapagpasok ng isa pang kumpanya ng telecom bukod sa kasalukuyang dalawang kumpanya na mayroon tayo—Globe at Smart. Layunin din nito na magtatag ng hiwalay na mga kumpanya na tututok sa pagtatayo ng mas maraming tore na kinakailangan para sa sistema ng Internet.
Sa kasalukuyan, mayroong 16,500 cellsites sa bansa. Nangangailangan pa ito ng karagdagang 50,000 tore upang mabigyan ng serbisyo ang nasa 113 milyong indibiduwal at mga institusyong sumasagap. Sa pagkukumpara, mayroong 65,000 tore ang Vietnam, sinabi mismo ni Pangulong Duterte nang manawagan siya para sa ikatlong kumpanya ng telecommunication para sa bansa.
Gayunman, iminungkahi ng Department of Information and Communication na limitahan sa dalawa ang bilang ng mga independent at pribadong tower companies, isang hakbang na tinututulan ng ilang interesadong entidad, lalo’t natatalo nito ang layuning mabilis na maisaayos ang serbisyo ng Internet sa bansa.
Sa ngayon, inaabot ng mahigit walong buwan bago makakuha ng permiso na itinakda ng lokal na pamahalaan, ang pangunahing rason na pinakamalaking problema ayon sa dalawang tatag na servers. “We cannot see why and how only two tower companies, private and independent at that, can help overcome the bureaucracy in building cellcites,” ani Globe Senior Vice President Froilan Castelo.
Ilang kumpanya, kabilang ang anim na dayuhan, ang kumukontra rin sa ideya na limitahan ang pagtatayo ng cell site sa dalawang kumpanya. “Having only two companies in the program does not make sense,” pahayag ng opisyal ng isa sa mga dayuhang kumpanya.
Samakatuwid, sa isinasagawang pagsisikap na makakuha ng pangatlong telecom company upang mapaganda ang serbisyo ng kasalukuyang “duopoly,” hindi makatutulong ang pagtatatag ng isang duopoly ng kumpanya ng tore, lalo’t matindi ang pangangailangan para rito at maraming kumpanya, lokal at dayuhan, ang interesado na iangat ang bansa sa lebel ng karamihan ng kalapit nitong mga bansa sa bagong mundo ng Internet.
Sa paghahanap ng ikatlong kumpanya, isang kumpanya mula Norway at apat na lokal na kumpanya ang kumuha ng P1 milyon bid ng dokumento ngayong linggo, na nagpapakita ng kanilang seryosong intensiyon na lumahok para sa bid ng telco auction na nakatakdang idaos sa Nobyembre 7 ng National Telecommunications Commission. Ang magwawaging kumpanya ay mamumuhunan ng hindi bababa sa P40 bilyon sa unang taon at P140 bilyon sa susunod na limang taon.
Ang paghahanap para sa kumpanya ng tore ay aayon sa paghahanap ng ikatlong telco. Ang mungkahi ng DICT para sa magkahiwalay na programa ay nasa mababang estado pa lamang. Bukod sa paglilimita ng mga tower companies sa dalawa, hangad din ng DICT na makapagtatag ng 25,000 cell tower sa susunod na pitong taon, kasama ng sapilitang paghahati-hati ng lahat ng mga mobile network operators.
Sa pagsasaalang-alang na kinakailangan natin ng 50,000 bagong tore bukod pa sa kasalukuyang 16,500 cellsites kung hahangarin natin ang 65,000 cellsites ng Vietnam, kinakailangan ng amyendahan ng DICT ang kasalukuyan nitong mungkahi na magkaroon lamang ng dalawang kumpanya. Nangangailangan tayo ng maraming kumpanya upang magtayo ng libu-libong bagong cellsites para sa tatlong telco na sa hinaharap ay magsisimula ng operasyon sa bansa upang dalhin tayo sa lebel ng maraming bansa sa mundo ng Internet