Ni BRIAN YALUNG

UMARIBA ang Team Philippines sa ikatlong gintong medalya nang magwagi sa chess event si Sander Severino kahapon sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.

Nadomina ni Severino ang Men’s Individual Standard P1 – Men category, habang sumungkit ng isang silver at isang bronze medal ang mga kasangga sa board.

Tumapos si Menandro Redor ng silver medal sa Men’s Individual Standard IV – B2/B3 – habang bronze medalist sina Jasper Rom at Arman Subaste sa Men’s Individual Standard P1 – Men and Men’s Individual Standard VI – B2/B3 – Men, ayon sa pagkakasunod.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa tenpin bowling, nagwagi ng silver medal ang tambalan nina Kim Ian Chi at Samuel Matias sa naiskor na 2,530 sa Mixed Doubles TPB10+TPB10 na ginanap sa Jaya Ancol Bowling Centre. Nagapi sila ng tambalan nina Hong Wonju at Sim Jinyong ng South Korea ( 2,785).

Sa kasalukuyan, tangan ng Team Philippines ang kabuuang 15 medalya – tatlong ginto, anim na silver at anim na bronze medals.

Sa ikaapat na araw ng aksyon nitong Martes, nakamit ni swimmer Ernie Gawilan ang ikalawang silver medal, habang nabigo si Josephine Medina sa table tennis finals.

Nakuha ni Gawilan, gold medal winner sa 200 m individual relay, ang silver sa Men’s 100M Freestyle S7 – Men event sa tyempong 1:08.77 a likod ni Toh Wei Soong ng Singapore (1:04.88).

Naungusan naman si Medina ni Mao Jingdian ng China, 0-3, sa finals ng Women’s Singles – TT 8 – sa table tennis.

Nakuha naman ni Gary Beijno ang ikalawang bronze medal sa men’s 100m freestyle S6 sa tyempong 1:15.32.