MAHIGIT 600 kalahok ang nagtipun-tipon sa Iloilo City nitong Martes para sa “E-Power Mo” forum ng Department of Energy (DoE), na layuning mapalakas ang mga indibiduwal na mamimili sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga plano at polisiya tungkol sa enerhiya.
Sa isang pulong-balitaan, ipinagdiinan ni DoE Undersecretary Felix William B. Fuentebella ang pangangailangan ng kolaborasyon sa mga stakeholders hinggil sa pagtitipid sa enerhiya.
“We are inviting our consumers to embrace this energy efficient lifestyle and to be more aware of handling energy supplies,” aniya.
Ayon pa kay Fuentabella, ang “E-Power Mo” ay isa sa apat na panuntunang nagbibigay kahulugan sa layunin ng kasalukuyang administrasyon. Ipinakilala niya ang tatlo pang iba, kabilang ang “E-Safety”, “E-Secure”, at “E-Diskarte”.
Aniya, nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 30 na lumilikha sa ‘energy investment coordinating council’ upang maiayos ang mga prosesong kailangan na nakaaapekto sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.
“It assures that all energy projects of national significance will be fast tracked,” saad ni Fuentabella.
Kabilang sa mga proyektong ito ang Mindanao-Visayas Interconnection Project ng National Grid Corporation of the Philippines, na pasisimulan sa Disyembre 2020.
Sa pamamagitan ng proyekto, dalawang isla ang maghahati sa supply ng kuryente.
“The system will be robust because you now have more power plants in the Mindanao area that can share power to the Visayas,” paliwanag niya.
Samantala, ibinahagi rin ni Fuentebella ang naganap sa forum kung saan hinati ang mga kalahok sa anim na grupo para sa mga aktibidad na tutulong sa kanila upang maipaalam sa kanila ang mga plano at polisiya ng pamahalaan.
Kasama rito ang downstream oil at natural gas sector; upstream sector; renewable energy sector; power energy sector; alternative fuel at energy efficiency sector; at ang consumer sector.
Bago ang mga aktibidad, iprinesenta sa mga kalahok ang Philippine Energy Plan 2017-2040, ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa sektor ng enerhiya at ang pagtatatag ng National Position on Nuclear Power in the Philippines.
Umaasa naman si Fuentebella na magkaroon ng kaalaman ang mga nakilahok ukol sa mga planong pang-enerhiya ng pamahalaan upang makapag-ambag ng ideya kung paano higit pang mapauunlad ang sektor ng enerhiya sa bansa.
PNA