MALUSOG at walang cancer si President Rodrigo Roa Duterte. Mismong si PRRD ang umamin na siya ay may polyps pero hindi ito cancerous matapos lumabas ang resulta ng kanyang colonoscopy at endoscopy bunsod ng Barret’s disease niya.
Kung noon ay sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ang Pangulo ay kasinglakas ng kabayo, sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na si Mano Digong ay kasinglakas ng isang baka.
Si Zubiri at sina Senators Loren Legarda, Chiz Escudero, Cynthia Villar, Sonny Angara, Richard Gordon, Sherwin Gatchalian at JV Ejercito ay nakipagpulong sa Presidente noong Lunes upang talakayin ang legislative matters saka naghapunan.
Anim na miyembro ng gabinete ni Pres. Rody ang inaasahang tatakbo sa 2019 elections. Ayon sa kanya, ang anim na magbibitiw sa cabinet ay sina Special assistant Christopher “Bong” Go, DFA Sec. Alan Peter Cayetano, presidential spokesman Harry Roque, political affairs adviser Francis Tolentino, DAR Sec. John Castriciones, at Tesda Director Guiling Mamondiong.
Sa panig ng Liberal Party, tatlo pa lang ang lumulutang na kandidato. Sila ay sina Sen. Bam Aquino, ex-Quezon Rep. Erin Tanada (apo ni ex-Sen. Lorenzo Tanada), at ang anak ni ex-Sen. Jose W. Diokno na isang kilalang abugado. Hindi pa malaman kung kakandidato si ex-SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Hindi lalahok ang Pilipinas sa military exercises na pinaplano ng United States sa West Philippine Sea-South China Sea. Tiniyak ito ng Pangulo nang makipagpulong siya kay Chinese ambassador Zhao Jianhua sa Malacañang. Ang naval drills ng US ay nakasabay ng pagdating sa bansa ni Chinese Pres. Xi Jinping sa susunod na buwan.
Kahit sino ay puwede nang umangkat ng bigas ngayon matapos aprubahan ang rekomendasyon at payagan ni PDu30 ang “free-for-all” rice importation sa layuning malutas ang mataas na presyo ng bigas at iba pang bilihin na naging sanhi ng pagsikad ng inflation na 6.7% nitong Setyembre.
Ang rekomendasyon ay ginawa ni Finance Sec. Carlos Dominguez III upang ma-liberalize ang importasyon ng bigas na tinalakay sa cabinet meeting, na naging dahilan din umano ng mainitang pagtatalo ng ilang kasapi ng Gabinete, ayon ay Roque.
Umaasa ang mga Pinoy na magiging sapat ang supply ng bigas sa Pilipinas kapag dumating na ang tone-toneladong bigas galing sa Vietnam at Thailand. Para kay Sen. Villar, sapat ang supply ng bigas sa bansa, pero nagkukulang dahil iniipit ng mga tusong negosyante.
Bakit hindi sila (mga ganid na negosyante) ang ipatumba ng Pangulo sa halip na ordinaryong mga pushers at users?
-Bert de Guzman