Aarangkada na ngayong Huwebes, Oktubre 11, ang paghahain ng kandidatura ng mga nais na kumandidato sa National and Local Elections (NLE) sa Mayo 13, 2019.

Kaugnay nito, naglatag na ang Commission on Elections (Comelec) ng mga panuntunan sa sistema ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa national position.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, apat na tao lang ang maaaring isama ng isang senatorial candidate sa paghahain ng COC sa ikatlong palapag ng tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila, simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Para naman sa mga party-list group na maghahain ng certificate of nomination (CONA), hanggang 10 katao lang ang maaaring isama sa ikawalong palapag ng Comelec.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inaasahang magtatagal ang paghahain ng COC hanggang sa Miyerkules, Oktubre 17, bagamat hindi tatanggap ng COC ang Comelec sa Oktubre 13 at 14, Sabado at Linggo.

Nagbabala si Jimenez na walang magiging extension ang COC filing kaya pinayuhan niya ang mga nais kumandidato na magsumite ng wastong COC.

Muli namang ipinaalala ni Jimenez na maaaring i-download ang COC forms sa Comelec website, at maaari ring kumuha ng hard copy nito sa alinmang tanggapan ng poll body.

Batay sa Resolution No. 10429 ng Comelec, itinakda ang election period sa Enero 13, 2019 hanggang Hunyo 12, 2019.

Sa nasabing panahon, inaasahang ipaiiral ng Comelec ang gun ban o pagbabawal sa pagbibitbit ng baril at iba pang armas.

Maaaring mangampanya ang mga kandidato sa pagkasenador at party-list groups simula Pebrero 12, 2019 hanggang Mayo 11, 2019, habang ang campaign period naman sa pagka-kongresista, gayundin sa elective regional, provincial, city at municipal officials ay mula Marso 30, 2019 hanggang Mayo 11, 2019.

Mahigpit namang ipinagbabawal ang pangangampanya sa Marso 28-29, 2019, Huwebes Santo at Biyernes Santo, gayundin sa Mayo 12-13, 2019, bisperas at mismong araw ng halalan, kung kailan epektibo na rin ang liquor ban.

Mayroon namang hanggang Hunyo 12, 2019 ang lahat ng kandidato, nanalo man o natalo, upang magsumite ng Statement of Contributions at Expenditures (SOCE) sa Comelec.

-MARY ANN SANTIAGO