Inaasahang magiging makasaysayan ang gagawing pagbola ng Ultra Lotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong Martes ng gabi, dahil sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa ay umabot sa P1 bilyon ang jackpot prize sa lotto.
Ito ay matapos na wala pa ring makatsamba sa winning combination sa Ultra Lotto na 45-21-02-30-07-10, na binola nitong Linggo ng gabi, at may katapat sanang jackpot prize na P954,503,164.
Bagamat walang nakakuha ng jackpot, 27 naman ang nakatsamba sa lima sa six-digit winning combination, at nanalo sila ng tig-P46,890.
Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, ang P1-bilyon jackpot prize ay bukas sa sinumang gustong tumaya, Pilipino man o dayuhan, basta 18 anyos pataas.
“Even foreigners can win the jackpot prize if they bought a ticket as long as they are 18 years old and above, which is the age requirement. And as long the claimant has the winning ticket, he or she can take home the jackpot prize,” ani Balutan, matapos na makatanggap ng ulat na maging ang mga dayuhan ay bumibili ng ticket, sa pagbabaka-sakaling sila ang makapag-uwi ng nakalulula sa laking jackpot prize.
“Itong P1-billion jackpot prize ay napaka-historic sa PCSO. Lahat, lalo na ‘yung mga tumataya, eh, excited. ‘Di na mapakali, at gustung-gusto na talagang manalo,” sabi ni Balutan. “Whoever wins this prize will be the first-ever PCSO billionaire.”
Tiniyak din ni Balutan sa publiko na lahat ay may patas na pagkakataon upang manalo, dahil ang lottery games ay live na binobola sa pamamagitan ng makina at nakaere pa sa telebisyon.
Umaasa naman si Balutan na marami ang magwawagi at maghahati-hati sa napakalaking jackpot prize.
“Whoever holds the winning ticket is the winner. So sign your winning lottery ticket immediately and take extra precautions. If you can take a photo and video of yourself with the winning ticket, do it. But don’t post it publicly for security reasons. Isipin mo ang iyong seguridad at ng iyong pamilya,” sabi ni Balutan.
“Alam mo, sabi ko nga last time, sana maraming manalo para distributed ‘yung jackpot prize. Lalo na itong P1 bilyon, kasi sobrang laki n’yan, nakakalula! Para marami tayong mapaligaya. At habang papalaki ng papalaki ang naman ang jackpot, lumalaki din ang sales natin sa Ultra Lotto. Napalaking tulong ito sa ating Charity Fund,” dagdag pa ni Balutan.
Nabatid na ang pinakamalaking PCSO jackpot na napanalunan ay umabot sa P741 milyon, makaraang matsambahan ng isang bakasyunista at lalaking Filipino- American ang winning combination ng Grand Lotto 6/55, matapos siyang tumaya sa Olongapo City, Zambales noong Nobyembre 29, 2010.
-MARY ANN SANTIAGO