BUENOS AIRES — Naitala ni Jann Mari Nayre ang isang panalo at isang talo sa unang dalawang laro para malagay sa krusyal na sitwasyon ang nalalabing laban sa table tennis competition ng 2018 Youth Olympic Games nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Technopolis dito.
Matikas ang simula ng 18-anyos table tennis wonder nang pabagsakin si Nicolas Burgos ng Chile sa pahirapang 11-9, 6-11, 11-9, 11-6, 11-8, sa group stage ng men’s singles preliminaries.
Sa kanyang pagbabalik aksyon matapos ang isang oras, nabigo si Nayre, unang Pinoy na nakalaro dito sa sports na table tennis, kontra Austria’s Maciej Kolodziejczyk, 9-11, 8-11, 1-11, 6-11 sa Group B ng men’s singles preliminaries sa torneo na tinatampukan ng pinakamahuhusay na batang atleta sa mundo.
“I’m not losing hope. Anything is possible. I’ll just show up at my best,’’ pahayag ni Nayre, kumatawan sa bansa sa nakaliaps na Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur at 2018 Asian Games sa Jakarta nitong Agosto.
Laban sa 16-anyos na si Burgos, ang No. 27 sa under-18 world rankings, kumasa si Nayre at matikas na nakipagpalitan ng atake para maitabla ang laro matapos ang dalawang set.
Nagipit din si Nayre sa laban kay Kolodziejczyk, ngunit nabigo siyang makaahon sa pagkakataong ito.
“I haven’t met them before in any of the tournaments that I participated in,’’ sambit ni Nayre, pambato ng San Beda University sa Taytay, Rizal.
Sunod na makakaharap ni Nayre si Rio Olympian Kanak Jha ng United States, ang No. 1 paddler sa U18 world circuit. Liyamado ang 18-anyos na si Jha na inaasaahang mapapalaban sa finals kontra world No.8 Tomokazu Harimoto ng Japan.
“It gets tougher as we move into the succeeding rounds. I’ll just try the best I can not to get eliminated early,’’ aniya.
Bukod kay Nayre, sasalang na rin sa laban si Filipino-Norwegian Christian Tio sa kiteboarding competition sa Lunes (Martes sa Manila). Ang kiteboarding ang pinakabagong sports sa YOG at gaganapin sa Club Nautico San Isidro.
Sa Miyerkoles, sasabak naman sina fencer Lawrence Everett Tan, golfers Yuka Saso at Carl Jano Corpus, gayundin ang Filipino-American swimmer na si Nicole Oliva.
Sisimulan ni Saso, 2018 Asian Games double-gold medalist, ang kampanya sa women’s individual stroke play, habang hahataw si Corpus sa tatlong rounds sa men’s side ng event sa Hurlingham Club.
Hahataw si Tan sa men’s foil, habang lalarga si Oliva, bronze medalist sa Kuala Lumpur SEAG, sa women’s 100m freestyle. Sabak din siya sa 200m, 400m at 800m freestyle events.