MATINDI ang epekto ng inflation at pagtaas ng presyo ng fuel products sa financial markets ng Pilipinas. Noong Martes, nai-report na ang Philippine stock market ay sumadsad sa malaking problema nang ang index nito ay bumagsak sa tinatawag na “bear territory”, dahil karamihan sa mga investor ay nawawalan na umano ng pagtitiis o pasensiya bunsod ng “monster inflation” na gumigiyagis ngayon sa Pilipinas.
Ayon sa mga ulat, ang benchmark Philippine Stock Exchange index (PSEi) ay bumalagbag at nagsara sa 7,132.36, bagsak ng 72 puntos o 1.24 porsiyento, at maging ang mas malawak na All Shares index ay nalugi ng 43.29 puntos o 0.97 porsiyento, na nagtapos sa 4,398.80.
Dahil karamihan sa mga Pinoy ay hindi masyadong nakakaintindi tungkol sa PH Stock Market (kabilang na ako), iwanan na lang natin ang mga detalye nito sa financial at economic experts ng bansa. Basta ang batid ng mamamayan, lubhang mataas ang presyo ng mga bilihin at labis din ang halaga ng mga produktong petrolyo. Hilung-hilo ang ating mga kababayan sa hirap ng buhay ngayon.
Tulad ng kanyang ama na si President Rodrigo Roa Duterte, mapagbiro rin si Davao City Mayor Sara Duterte. Bumili siya ng 6/58 Ultra lotto ticket na ang pinakahuling premyo, habang isinusulat ko ito ay P835 milyon na. Ayon kay Inday Sara, babalatuhan niya si Sen. Antonio Trillanes IV ng P121 milyon kapag na-jackpot niya ang P835 milyon premyo para gamitin ng senador sa mga kasong kinakaharap nito.
Talaga palang nag-apply si Sen. Antonio Trillanes IV ng amnesty, subalit ilang dokumento na may kaugnayan sa kanyang aplikasyon ay nawawala dahil sa “lapses”. Ito ang pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez nang siya’y usisain ng mga senador kaugnay ng P250-bilyon Department of National Defense (DND) at AFP budget na hinihingi sa Kongreso.
Binanggit ni Galvez na nag-isyu na ng sworn statement si Lt. Col. Josefa Berbigal, dating hepe ng Amnesty Secretariat Committee, na nagsasaad na nag-apply ang senador ng amnesty at personal na isinumite ang application form sa kanya.
“Apparently, there were some lapses, sir. The amnesty documents were not handed back to J1, which is basically the repository of all documents along with the OTAG (Office of the Adjutant General),” paliwanag ni Galvez. Tugon ito ni Galvez sa pagtatanong ni Trillanes.
Sino ang dapat papanagutin sa pagkawala ng application form ni Trillanes gayong ito ay kitang-kita sa video shots ng ilang TV networks noong 2011 na hawak-hawak pa niya ang amnesty application?
Sana ay lumitaw ang katotohanan at malantad sa publiko kung sino ang mga sinungaling at kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.
-Bert de Guzman