GINAMIT ni WBC light flyweight champion Ken Shiro ang bentahe sa taas at haba ng mga galamay para maitarak ang 7th round technical knockout kontra dating IBF junior flyweight champion Milan Melindo ng Pilipinas niting Sabado sa Yokohama, Japan.

Bagama’t nakipagsabayan si Melindo sa Hapones, nagkaputok-putok ang kanyang mukha sa matutulis na suntok ni Shiro kaya ipinatigil ng ring physician kay American referee Laurence Cole ang laban eksaktong 2:47 ng 7th round.

Ito ang unang pagkatalo via stoppage ni Melindo sa kanyang 13 taong pagboboksing kaya bumagsak ang kanyang kartada sa 37 panalo. Napaganda naman ni Shiro ang kanyang kartada sa perpektong 14 panalo, 8 sa pamamagitan ng knockouts at ito ang ikaapat na matagumpay na depensa niya.

Sa Gasmart Stadium sa Tijuana, Mexico, lumasap din ng pagkatalo si dating world rated Filipino Jason Canoy kay ex-WBC bantamweight champion Luis Nery via 3rd round knockout sa kanilang sagupaan para sa WBC Silver bantamweight title kamakalawa rin ng gabi.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kaagad pinabagsak ni Nery si Canoy sa 1st round ng sagupaan sa pamamagitan ng malakas na left hook sa panga ng Pinoy boxer na nakabangon upang ituloy ang laban.

Pinapasok ni Nery si Canoy sa 3rd round at kaagad dalawang beses napabagasak kaya itnigil ni referee Jesus Becerra ang sagupaan eksaktong 2:44 sa nasabing yugto ng laban.

-Gilbert Espeña