NAGKAROON ng panandaliang pangamba na haharapin ang gobyerno sa susunod na taon hinggil sa reenacted national budget dahil sa mga kontrobersiya sa Kamara de Representantes sa pangunguna ng pagkakadiskubre sa bilyong pisong pondo sa imprastruktura – na sinasabing “pork barrel” ng isang kongresista — “parked” bilang lump sums sa national budget bill.
Gayunman, nagtagumpay ang Kamara de Representantes sa pag-apruba sa House Bill 8169, ang 2019 General Appropriations Bill, sa ikalawang pagbasa nitong Miyerkules, makalipas ang 11 araw na deliberasyon na natapos ng hatinggabi, sa gabay ni Spesaker Gloria Macapagal Arroyo. Ang apruba sa ikatlo at huling pagbasa ay isang pormalidad, pagkatapos ay ididiretso sa Senado.
Sa Konstitusyon, ang edukasyon ang pinakamalaking paglalaanan ng P3.757 trilyong national budget — ito ay aabot sa P659.2 bilyon. Ang Department of Education (DepEd) ay may P528.8 bilyon; State Universities and Colleges (SUCs), P65.2 bilyon; Commission on Higher Education (CHED), P50.5 bilyon; at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), P14.8 bilyon.
Ang susunod na malaking paglalaanan ay ang Department of Public Works and Highways (DPWDH) -P555.7 bilyon. Ang nasabing halaga ay mapupunta sa pagpapatayo ng mga kalsada at tulay, mga highway at railways, paliparan at daungan, mga paaralan at iba pang pampublikong gusali. Ang iba pang halaga mula sa iba pang pagkukunan, na nasa kabuuang P9009.7 bilyon, ay mapupunta sa mga proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build,” na magiging pangunahing pamana ng administrasyong Duterte.
Ang iba pang paglalaanan ng 2019 national budget ay ang Department of Interior and Local Government (DILG), P225 bilyon; Department of National Defense (DND), P183.4 bilyon; Department of Social Welfare and Development (DSWD), P173.3 bilyon; Department of Health (DoH), P141.2 bilyon; Department of Transportation (DoTr), P141.4 bilyon; Department of Agriculture (DA), P76.1 bilyon; at Judiciary, P37.3 bilyon.
Ang National Budget ang pinakamahalagang usapin sa Kongreso na kinakailangan pagtibayin taun-taon, bago magsara ang Kongreso para sa pagdiriwang ng Pasko upang malagdaan ito ng Pangulo at maipatupad sa unang araw ng taon.
Ngayong taon, umaasa ang administrasyong Duterte na mapagsasama-sama ang Kongreso bilang isang Constituent Assembly at maaprubahan ang bagong Konstitusyon sa pagkakaloob ng isang sistemang pederal na gobyerno. Ngunit tanggap na ng lahat na hindi ito magagawa ng Kongreso dahil sa kakulangan sa oras. Maaaring maiwan ang misyon na ito sa susunod na Kongreso na ang mga miyembro ay iluluklok sa Mayo 2019.
Para sa kasalukuyang taon, ang pagpapatibay sa General Appropriation Law for 2019 ay maaaring ang huling pinakamalaking nagawa ng Kongreso. Matapos ang lahat ng kontrobersiya sa mga tinalakay na isyu at sa pamumuno at samahan ng dalawa nitong kapulungan, nasa pinal na bahagi na ang Kongreso at tiwalang ito ay nagtagumpay.