SA iniibig nating Pilipinas, sinasabing kung buwan ng Oktubre ay nadarama na ang malamig na simoy ng hanging Amihan. Ang simoy na pumalit sa Habagat na laging may dalang malakas na unos at mga pag-ulan.
Karaniwan na ang pagkakaroon ng mga malalakas na bagyo. Ang mga lalawigan at bayan na madaanan at mahagupit ng bagyo na may kasamang malakas na pag-ulan ay binabaha. Nag-iiwan ng matinding pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
Bibilang ng buwan at kung minsan ay taon bago maibangon ang nalugmok na kabuhayan ng mga mamamayan na hinagupit ng bagyo. Nagiging mabilis lamang ang pagbangon kung hindi naging usad-pagong ang pagtulong ng pamahalaan at kung nabigyan din ng tulong mula sa ibang bansa. Kahit paano ay naiibsan ang dinaranas na kahirapan ng mga naging biktima ng kalamidad.
Ang Oktubre ngayong 2018 ay masasabi na naiiba sapagkat magaganap ang pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kababayan natin sa Commission on Elections (Comelec), na naglalayong kumandidato sa idaraos na mid-term elections sa Mayo 2019.
Kabilang sa mga magsusumite ng kanilang COC ay ang mga senador na tatakbong muli para sa puwesto. Gayundin ang mga miyembro ng Kongreso na binubuo ng mga kinatawan ng mga distrito ng iba’t ibang lalawigan at lungsod ng ating bansa. Asahan na rin na ang mga papalit sa mga pulitikong tapos na termino ay mga kandidatong kapatid, asawa, anak o kamag-anak ng pulitiko.
Bukod sa mga nabanggit, palibhasa’y ang halalan sa 2019 ay local election, kabilang naman sa maghaharap ng kanilang COC sa Comelec ang mga tatakbo at mga muling tatakbo (re-electionist) na mga mayor, vice mayor, miyembro ng Sangguniang Bayan, Governor, Vice Governor, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, City Mayor, Vice Mayor at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod. Sa paghaharap ng kanilang COC ay asahan na ang pagdagsa ng mga supporter wannabe. Matapos ang paghaharap ng COC sa Comelec, ay makikilala na ang mga kababayan nating nais maglingkod sa kanilang bayan, lungsod, at mga lalawigan.
Asahan na ang pagpapakilala ng mga kakandidato sa kanilang mga constituent at mga kababayan. May iba’t iba silang paraan upang makilala, gaya na lamang ng paglalagay ng kanilang mga larawan sa makukulay na tarpaulin. Ilalagay sa mga estratehikong lugar sa bayan tulad ng bukana ng palengke, sa mga tindahan na nasa harap ng simbahan, sa mga sabungan.
Walang nakasulat sa tarpulin na nangangampanya ang mga wannabe. Ang nakalagay sa tarpaulin ay ang kanilang pagbati sa mga gaganaping pagdiriwang tulad ng kapistahan ng bayan, anibersaryo ng isang samahan, anibersaryo ng pagkakatatag ng sekta ng relihiyon, at iba pang okasyon na matatandaan ng mamamayan ang paangalan ng mga wannabe.
Sa paglilibot ng inyong lingkod sa iba’t ibang bayan sa Rizal, ay nagtanong ako kung sinu-sinong mga wannabe ang lalaban sa mga incumbent. Nabatid kong may mga bayan sa Rizal na ang mga incumbent ay walang lumitaw na kalaban. Ito ay hindi dahil sa takot na lumaban kundi aksaya lamang ng salapi at panahon kung ang lalabanan sa eleksiyon ay mga incumbent na mahusay ang pamamahala.
Sa darating na mid-term election sa Mayo 2019, ang mga mamamayang Pilipino, lalo na ang may pagpapahalaga sa maayos, malinis, at tahimik na halalan, ang magpapasya kung sinu-sino ang kanilang pipiliin at ihahalal. Kanilang itatapon sa kangkungan ng pulitika ang mga pulitikong isinusuka na ng mamamayan dahil sa masamang pamamahala at katiwalian.
-Clemen Bautista