NILINIS mismo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Carlito Galvez ang Liberal Party (LP) at si Sen. Antonio Trillanes IV sa bintang na kasabwat sila ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa balak na pagpapatalsik kay President Rodrigo Roa Duterte.
Sa budget hearing sa Senado ng Department of National Defense (DND) at ng AFP noong Martes, sinabi ni Galvez sa mga senador na tanging ang mga “Reds” o komunista lang ang may plano ng “Red October”, na ang layunin ay ibagsak si PRRD na ibinoto ng 16.6 milyong Pilipino noong May 2016 election.
Humihingi ang DND at AFP sa Kongreso ng P250 bilyon para sa 2019. Kinuwestiyon sina Lorenzana at Galvez hinggil sa kakayahan ng militar na protektahan ang bansa laban sa mga banta ng terorista at New People’s Army (NPA).
Gayunman, nagbabala si Galvez na ang CPP at armadong sangay nitong NPA ay patuloy sa pagtatangkang isangkot ang mga lehitimong political group at personalidad sa pagpapatalsik kay Mano Digong bagamat hindi nila batid ito.
Iginigiit ng Malacañang na may collusion ang mga komunista ni Joma at ilang LP members sa Red October Plot. Itinatanggi naman ito ng CPP, LP at ng Magdalo Group ni Trillanes. “We will not support any unconstitutional approach or unconstitutional move. In fact, if you have information on any member of the LP, would you tell us? We will expel (him or her) because that is a violation of our Constitution,” ayon kay Sen. Francis Pangilinan, pangulo ng LP.
Sinabi naman ni Trillanes na kung mayroon mang recruitment sa militar, hindi ito kagagawan ng Magdalo. Sinabi ni Galvez sa mga senador na hindi siya makapagbibigay ng kategorikal na tugon kung kaya nakikiusap siya na magkaroon ng isang executive session tungkol sa isyung ito.
Wala umanong balak si Davao City Mayor Duterte na tumakbo sa pagka-senador kahit kasama siya sa Magic 12 batay sa mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS). Gusto niyang manatiling alkalde ng siyudad. Sa halip, si ex-Vice Mayor Paolo Duterte ang tatakbo sa pagka-congressman sa 2019.
Ayon sa balita, may anim na miyembro ng Duterte cabinet ang magbibitiw para kumandidato sa local at national positions sa 2019. Kinumpirma ito ni presidential spokesman Harry Roque bagamat ayaw niyang tukuyin kung sinu-sino ang magbibitiw para mag-file ng certificates of candidacy sa susunod na linggo.
Mismong sina Roque, Special Assistance to the President (SAP) Bong Go at presidential adviser for political affairs Francis Tolentino, ay nababalitang kakandidato sa pagka-senador. Si Cabinet Secretary Leoncio Evasco naman daw ay tatakbo sa pagka-Bohol governor. May report ding si PCOO Assistant Sec. Mocha Uson ay tatakbo bilang party-list representative. Abangan na lang natin kung sino ang mga cabinet member na magbibitiw mula sa bibig ng ating Pangulo.
-Bert de Guzman