MARAMING dating mga mangingisda sa lalawigan ng Rizal at Laguna ang nagsasabing ang Laguna de Bay noon ay may lawak na 90,000 ektarya. Sinasabi rin na ang Laguna de Bay ang pinakamalaking lawa sa Asya noong dekada ‘50 hanggang sa pagtatapos ng dekada ’60. Ang lawa ay itinuturing na sanktuwaryo ng mga mnngingisda sa Rizal at Laguna sapagkat sa dito sila kumukuha ng ikinabubuhay sa pamamagitan ng pangingisda.
Ang pamalakaya o gamit noon sa pangingisda sa Laguna de Bay ay pukot (trawl fishing), kitid, pante, suklob, salakab, biwas, palaway at iba pang uri ng panghuli ng isda na ginagamitan ng lambat. Gamit rin ng maraming mangingisda sa Laguna de Bay ang sakag (panghuli ng mga hipon na inihahalo sa pagkain ng mga itik). Ang napiling malalaking hipon ay iniuulam. Isinisigang sa bayabas o sampalok. May inihihilabos na lamang ang mga hipon.
Ang pag-aalaga naman ng mga itik ang naging pangunahing hanapbuhay ng mga taga-Rizal lalo na ng mga nakatira sa tabi ng lawa. Sa pag-aalaga ng mga itik na nangingitlog, maraming mga magulang sa Rizal ang nakapagpa-aral at napagpatapos sa kolehiyo ng kanilang mga anak. Naging mga propesyonal at ang iba’y nagkaroon pa ng tungkulin sa lokal na pamahalaan. Ang ibang mga anak naman na napagtapos sa kolehiyo at pamahalaan ay nakapangibang-bansa. Doon na nagtrabaho at naghanapbuhay. May nagbago na rin ng citizenship o pagka-mamamayan. Namalagi na sa bansang naroon ang kanilang trabaho at hanapbuhay. Nagbabalik-bayan na lamang kung panahon ng tag-araw o panahon ng Kapaskuhan.
Isang dating mangingisda sa Laguna de Bay ang nakausap ng inyong lingkod. Siya’y si G. Simeon Unidad, 99-anyos, ng Barangay Poblacion Ibaba, Angono, Rizal. Ayon kay G. Unidad, noong dekada ‘50 hanggang dekada ‘60, ay sagana sa huling isda ang mga pukot (isang uri ng pamalakaya sa lawa) tulad ng mga isdang kanduli, dalag, biya, malalaking ayungin, bibbid, at buwan-buwan. Kung minsan, ang pukot ay nakahuhuli pa ng tagan (isdang katulad ng pating). Kapag naramdaman ng mga mamumukot (tawag sa mangingisda sa Angono na tauhan ng pukot), na nasa loob na ng tarupit (tawag sa lambat na doon naiipon ang mga nahuling isda), pinagtutulungan na ng mga mangingisda na hulihin ang tagan.Tinatanggal ang tila tabak na magkabila’y may nakausling mga tinik na nasa bibig ng tagan. Ang isdang tagan at iba pang isda sa Laguna de Bay ay dala ng tubig-alat na mula sa ilog-Pasig. Malaya ang pasok at labas ng tubig-alat mula sa ilog-Pasig sapagkat wala pa ang Napindan channel. Ayon sa mga dating mangingisda sa Laguna de Bay, kapag hapon ay umaagos ang tubig-alat patungong Laguna de Bay at pabalik naman ang agos sa ilog-Pasig kung umaga hanggang tanghali.
Ang tubig-alat ang nagpapalinaw ng tubig sa Laguna de Bay dahil ito ang pumapatay sa mga water alily. Kapag malinaw na ang tubig sa lawa, dumarami ang mga isda gayundin ang mga plankton na pagkain ng mga isda. Ang plankton ang pagkain na nagpapataba at nakatutulong sa pangingitlog at pagdami ng mga isda sa lawa. Tumutubo rin sa mababaw na bahagi (tabi) ng lawa ang mga halaman-tubig tulad ng mga digman at sintas na nagiging tigilan o tirahan naman ng mga hipon na nahuhuli sa sakag. Marami ring isdang nahuhuli sa baklad (fish corral). Ang mga baklad ay nasa mababaw na bahagi ng lawa.
Nang sumapit ang dekada ‘80, nagsulputang parang kabute ang mga malalaking fishpen sa Laguna de Bay na pagmamay-ari ng mga dating heneral, mga sirkero at payaso sa pulitika, mga mayaman at maimpluwensiyang negosyante. Ang mga fishpen ay binabantayan ng mga armadong guwardiya. Sa pagdami ng fishpen sa Laguna de Bay, ay sa pag-unti ng pangisdaan para sa mga maliliit na mangingisda.
Sa ngayon, kahit na malabo ang tubig sa Laguna de Bay ay may nahuhuli pa ring mga isda ang mga mangingisda tulad ng kandul, dalag, bangus, at tilapia. Ang paboritong bilhin at lutuing ulam ng mga taga-Rizal ay ang mga ayungin at biya.
Sa ilang palengke sa Rizal na napuntahan ng inyong lingkod, may nakita akong mga maliliit na biya na ipinagbibili. Tumpok-tumpok ang pagbebenta nito. Ang malalaking biya naman na ipinagbibili ay nagkakahalaga ng P300 ang isang kilo. Ang dahilan: Madalang o kakaunti ang nahuhuling mga biya sa lawa. Ang malalapad na ayungin ay P200. Ang inilalako naman na mga ayungin na katamtaman ang laki ay nagkakahalaga ng P150 ang isang kilo.
Ang pagbabawal sa paggamit ng mga sakag na ang lambat ay simpino ng kulambo ay makatutulong sa patuloy na paglaki ng mga fingerlings ng mga biya at ayungin sa Laguna de Bay. Kung hindi masusugpo, asahan na pagdating ng araw ay baka wala na ring mahuling mga ayungin at biya sa Laguna de Bay. Marami ang nagdarasal na huwag sana itong mangyari.
-Clemen Bautista