WALANG duda na sa henerasyong kinabibilangan ko na kung tawagin ay mga “Baby Boomers”, isa ang rocker na si Ramon Jacinto, na mas kilala sa bansag na RJ, ang iniidolo ng karamihan sa amin, na para sa mga kabataan naman ngayon ay katumbas ng mga tinitilian nilang mga LODI!
Karamihan sa mga kahenerasyon ko ang nabigla (hindi naman nagimbal) nang marinig nila na ang LODI naming si RJ, na isa na palang presidential adviser for Economics Affairs and Information Technology Communication – ay umeepal daw sa industriya ng telecommunication, kaya pinaratangan tuloy siya na gustong magtayo ng sariling duopoly sa larangan ng telecommunication sa bansa.
Nang lumabas ang panukalang nagtatakda na dapat ay dalawa lamang ang kumpanyang papayagang magtayo ng mga tower na kakailanganin ng mga “telco player” sa buong bansa, ay mismong si RJ pala ang nagtutulak nito. Umani ito ng kantiyaw at pag-alipusta kaya agad na binansagang DUOPOLY ni RJ.
Gaya nga ng narinig ko sa mga dumalo sa “public consultation” na isinagawa kasunod nang paglabas ng “draft” ng naturang circular, ay pinaninindigan umano ni RJ ang panukalang ito, at nangantiyaw pa na kapag sumobra sa dalawa ang magiging “tower provider” ng papasok na THIRD TELCO ay paniguradong magiging “rowdy” at “non-viable” pa ang mga ito sa industriya ng telecommunication sa bansa.
Agad nga itong pinuna ng mga dambuhalang “tower provider” sa buong mundo, sa pangunguna ng American Tower Company (ATC) at Telenor, at nagsabing lalong “magdurusa” ang industriya ng telco sa bansa sa limitasyong ipinagpipilitan ni RJ. Ang bilis ng internet connectivity sa bansa ay mananatiling “takbong pagong” kapag hindi nasaway si RJ sa ipinagdudutdutan niyang palpak na panukala.
Sa kasalukuyan, ang magkasamang bilang ng “cell tower deployment” ng PLDT/SMART at GLOBE Telecom ay aabot lamang sa 17,000 cellsites, na halos wala pa sa kalingkingan ng mga cell tower ng mga kapitbahay nating bansa, gaya ng Vietnam na may 70,000 cellsite at Indonesia na may 90,000 cellsite.
Kaya mas lalo pa tayong maiiwan sa pansitan ng mga bansang ito sa larangan ng “internet speed at connectivity” kapag ipinatupad ang pang-DUOPOLY na panukalang ito ni RJ na -- dalawang independent tower company lamang ang gagawa at tatapos sa mga nakatakdang dapat itayong cellsite tower sa buong bansa.
Ano kaya ang nasa isip ni “lodi” RJ at pilit niyang itinutulak ang panukalang ito? Sabagay, naisip ko rin at naitanong sa sarili – “May bago pa ba sa mga nangyayari sa ngayon?”
Karaniwan namang nangyayari sa mga opisinang gobyerno na ang pinuno ng sa isang opisina ay madalas na gumagawa ng paraan upang mapaboran ang kanilang mga kaibigan at kamag-anakan sa anumang proyektong may pagkakakitaan sa kanyang tanggapan.
Malapit nang ianunsiyo kung sino ang magiging “third telco” sa ating bansa, at kapag nakapasok na ito, siguradong tiba-tiba ang “tower provider” na magtatayo ng mga cellsite ng internent connectivity nito, dahil wala pa itong ni isang kagamitan sa pinasok na negosyo.
Kailangan ng management ng “third telco” ang kumpanyang “tower provider” na siyang magtatayo ng 50 cellsite na kailangan nila upang makapagbigay ng mabilis na “internet connectivity” sa bansa. Ang tanong: “May napusuan na kaya ang mga opisyal sa administrasyon na kasama sa pagpapasiyang ito?”
PAHIMAKAS -- Nakipag-jam ako sa mga kaibigan kong nagbebenta ng mga musical instrument sa ilang mall, at ang daing nila: “Mahina ang negosyo at ang hirap kumita ng pera dahil iba ang prioridad na bilhin ng mga tao, at ‘di kasama rito ang paninda nilang musical instrument.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.