Nahanap na ang Pilipinong preso na napaulat na nawawala kasunod ng mass jailbreak sa kulungang sinira ng lindol sa Palu, Indonésia, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ulat na natanggap ni Foreign Secretary Alan Peter S. Cayetano mula sa Konsulado ng Pilipinas sa Manado, na nakausap na nila ang inmate, na maayos at ligtas ang kalagayan.
Sinabi ni Consul General Oscar Orcine na nanunuluyan ang pugante sa kaibigan nito malapit sa Pitogo Village sa Palu simula nang tumakas sa nawasak na kulungan sa Central Sulawesi nitong Setyembre 28.
Ayon kay Orcine, ipinabatid sa kanya ng Pinoy inmate na may pahintulot mula sa warden ng Lapas Penitentiary ang pansamantala niyang panunuluyan sa kanyang kaibigan. Nagsisilbi ng 14-taong pagkakabilanggo ang Pinoy na tubong Sulu dahil sa pagpuslit droga sa Indonesia. Hindi siya kaagad nakontak bunsod ng kawalan ng signal sa cellphone.
-Bella Gamotea