ISANG guro mula sa Sultan Kudarat ang kinoronahang Miss Asia Pacific International 2018 sa taped broadcast na ginanap sa Resorts World Manila sa Pasay City kahapon ng madaling araw.
Dinaig ng crowd favourite at pambato ng Pilipinas na si Sharifa Areef Mohammad Omar Akee ang 48 iba pang kandidata sa 50th edition ng beauty contest, na sinasabing pinakamatandang pageant sa Asia Pacific.
Nagtapos ang 21-anyos na si Sharifa ng elementary education mula sa Notre Dame of Salaman College. Nilinaw naman niyang hindi pa siya nakakakuha ng board exams para maging ganap na guro.
“I am not a professional one. I will take the exams soon. Maybe after the pageant next year,” sabi ni Sharifa.
Inamin din ng Filipino-Qatari beauty na may boyfriend na siya.
Lumutang ang ganda, husay, at talino ni Sharifa sa swimsuit at evening gown competition, at sa question-and-answer portion hanggang sa tuluyan niyang maiuwi ang korona.
First runner-up si Gabriela Palma ng Brazil, 2nd runner-up si Melania Gonzales, ng Costa Rica; si Misheelt Narmandakh, ng Mongolia, ang 3rd runner-up; at 4th runner-up ang Venezuelan na si Mariani Nataly Chacon Angarita.
Pumasok din sa Top 20 ang mga pambato ng Puerto Rico, USA, South Africa, Thailand, Panama, Kazakhstan, Russia, Bangladesh, Peru, Netherlands, Colombia, Nigeria, Uruguay, at Portugal.
NANINDIGAN SA SWIMSUIT
Una nang idinepensa ni Sharifa ang pagsusuot niya ng swimsuit sa pageant, makaraan siyang batikusin ng mga kapwa niya Muslim.
“Let’s not focus on religion. I just want to be fair to the other candidates. I want to be competitive and be fair with them. I hope everyone can look beyond swimsuit and realize that what I’m doing is more significant,” sabi ni Sharifa.
Nilinaw din ni Sharifa na may basbas ng kanyang mga magulang at ng malalapit niyang kaibigan ang pagsusuot niya ng swimwear sa publiko. Dalawampu’t limang taon na ang nakalipas nang manalo ang Pilipinas sa Miss Asia Pacific International pageant, nang koronahan ang actress-model na si Michelle Aldana noong 1993.
SINABOTAHE?
Ilang minuto makaraang koronahan bilang bagong Miss Asia Pacific International, napaulat na sinabi ni Sharifa kay Hemilyn Escudero-Tamayo, presidente ng Mutya ng Pilipinas, na ginupit at nasira ang laylayan ng pulang evening gown na isinuot niya nang rumampa matapos na mapabilang sa Top 20.
“That’s why you can see her shoes when she wore the red evening gown. The red evening gown should be floor-length. Still she wore the gown like a pro,” ayon sa isang kaibigang malapit sa beauty queen, subalit tumangging pangalanan.
-ROBERT R. REQUINTINA