Hindi sangkot sa droga ang Davao-based Chinese businessman na si Michael Yang.

Ito ang nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatalumpati niya sa Philippine Military Academy (PMA) alumni sa Malacañang nitong Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Duterte ng nakatitiyak siya na pag-aari ni Yang ang Davao City Los Amigos (DCLA) shopping center. Sinabi rin niya na ang kaugnayan ni Yang kina Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jinhua at Chinese Premier Le Keqiang ay patunay na hindi siya sangkot sa drug trade.

“Ito daw si isang Michael Yang na drug addict daw. Ang ambassador ng China diyan natutulog sa bahay niya. At saka kasama ‘yan doon sa entourage ni Premier of China,” aniya.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

“Kasama-sama palagi ni Ambassador Zhao. Hindi mo rin maloko ‘yan military ‘yan eh. ‘Yang ambassador natin military ‘yan ng China. Kalokohan,” dugtong niya.

Sa press briefing nitong Biyernes, nilinis din ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pangalan nina Yang at Zhao kasunod ng mga ulat na pinag-ugnay ni Duterte ang dalawa.

“I think its very clear that what the President meant to say is that number 1, he cannot believe that Michael Yang is involved in the drug trade; and number 2, because he was saying he could not believe that Michael Yang is involved in the drug trade, the report that the President linked the Chinese Ambassador to a drug lord is obviously false,” ani Roque.

Ang tinutukoy ni Roque ay ang ulat na inilatahala ng Rappler, isang news agency na pinagbawalang pumasok sa Malacañang at mag-cover ng Presidential events dahil diumano’y pag-aari ito ng mga banyaga.

Sinabi ng Palasyo na ang ulat ng Rappler ay mapanganib at maaaring makasira sa magandang relasyon ng Pilipinas at China.

Itinama na ng Rappler ang kanilang istorya kasunod ng paglilinaw ng Palasyo.

-Argyll Cyrus B. Geducos