SAN FERNANDO CITY, La Union - Tumitindi ang bangayan ng dalawang principal sa La Union high school sa San Fernando City, La Union dahil sa "agawan sa puwesto".
Nag-ugat ang usapin nang maglabas ng direktiba si San Fernando City School Division Supt. Fatima Boado, na nagtatalaga kay Merriam Obra-Aurelio bilang bagong principal kapalit ng incumbent principal na si Madilyn Corpuz na tumutol sa kautusan.
Ayon kay Boado, nais lamang nito na ipatupad ang Department of Education Circular Number 28-1962 na nag-uutos na balasahin ang mga principal sa mga nasasaklawan nilang paaralan.
Idinahilan pa ni Boado, kailangan nang mai-reassign ni Corpuz dahil sa pagiging “overstaying” na nito na limang taon na sa nasabing posisyon.
Sa panig ni Corpuz, umapela ito sa pamahalaan na tapusin na lamang nila ang pito pang buwan para sa implementasyon ng mga programa bago ang tuluyang pagreretiro nito.
Nang hindi paboran ang panawagan ni Corpuz, humingi ito ng tulong ng Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng kanyang usapin.
Ginamit din na dahilan ni Corpuz ang inilabas na “status quo” order ng CSC kaya hindi nito sinunod ang kautusan ng school division superintendent.
-Erwin Beleo