WALANG dapat ipakahulugan sa desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na paboran ang 25 percent shading sa muling pagbibilang sa mga balotang ginamit sa 2016 vice-presidential elections. Nagdesisyon ang PET na sa muling pagbibilang ng mga boto, susundin lamang nito ang mga election rules na itinakda ng Commission on Election (Comelec).
Una nang ipinag-utos ng PET – binubuo ng mga miyembro ng Korte Suprema – sa grupo nito na nag-review sa mga balotang ginamit para kina Vice President Leni Robredo at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na bilangin lamang ang mga boto kung saan naka-shade ang 50% ng oval na nakatapat sa pangalan ng kandidato, alinsunod sa Comelec resolution para sa 2010 elections.
Sa pagpapatuloy ng recount, lumaki ang pagkakaiba sa pagitan ng original Comelec count at PET recount. Kalaunan lang pormal na inimpormahan ang PET ng Comelec na para sa 2016 elections, binago nito ang patakaran upang isama sa bilang ang boto na 25 percent lamang ang shading, kaugnay ng paraan na “the will of the voters reflected in the ballots shall, as much as possible, be given effect, setting aside any technicalities.”
Matapos ipahayag ng PET na dapat sundin ng grupo nito ang patakaran ng Comelec, ilang opposition senators ang nagdiwang sa desisyon bilang pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo. Gayunman, hindi dapat ipakahulugan ang desisyon ng PET bilang pagpabor sa isang kandidato o iba pa. Tiniyak nito na ang recount ay ay sasailalim sa tamang proseso, sa pagsunod sa patakaran ng Comelec, na may kapangyarihan na magdesisyon sa mga usaping may kinalaman sa eleksiyon.
Nagsimula ang recount nitong Abril 2— anim na buwan ang nakalilipas— binilang ng grupo ng PET ang mga balota sa tatlong prosbinsiya ng Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental, na tinukoy ni Senador Marcos. Matapos nito, hiniling ni Robredo na magsagawa ng recount sa 30,000 iba pang presinto kung saan nanalo si Marcos. Kung sa dulo ng kabuuang proseso, kapag nahigitan ni Marcos ang 263,473 lamang na boto ni Robredo, mayroon na tayong bagong bise president.
Kinakailangan gawin ang lahat upang matapos ang proseso sa oras— bago matapos ang anim na taong termino ng president at bise president sa Hunyo, 2022. Mayroong ilang political developments sa kasagsagan ng pagbibilang, kabilang ang komento ni Pangulong Duterte na handa siyang ibigay ang kanyang puwesto kay Senador Marcos. Ngunit hindi dapat nito maapektuhan ang judicial process na isinasagawa ng PET.
Ngayong naayos na ang isyu hinggil sa bilang ng shading, umaasa tayo na mabilis na kikilos ang PET upang mapagdesisyunan ang electoral protest. Ito ay unang beses na mangyayari sa kasaysayan kapag nakapagdesisyon ito bago matapos ang anim na taong termino sa 2022.