PALIHIM nang pinasok ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ang 18 eskuwelahan sa Metro Manila, kabilang dito ang De La Salle University (DSLU) at Ateneo de Manila University, ayon kay Brig. Gen. Antonio Parlade, Jr., assistant chief of staff for operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Nangangalap, aniya, ng mga tauhan ang mga ito para sumama sa kanila sa planong patalsikin si Pangulong Duterte. Ang layunin daw ay magtatag ng diktadura ala Khmer Rouge ng Cambodia, na pumatay ng milyun-milyong tao. “Bagamat hindi ito bago at alam naman ito ng lahat baka hindi alam ng mga opisyal ng eskuwelahan na ang CPP ang nasa likod ng recruitment para sa kilusang ibagsak si Duterte,” sabi pa niya. Nagpapalabas pa raw ng pelikula hinggil sa mga abuso sa karapatang pantao sa ilalim ni dating Pangulong Marcos, para ibuyo ang mga estudyante na mag-alsa laban sa gobyerno, at buhayin ang First Quarter Storm (FQS) habang ipinalalabas na si Pangulong Duterte ay ang bagong Marcos. Ang FQS ay ang unang tatlong buwan ng 1970 nang magsagawa ng napakalaking demonstrasyon ang mga kabataan at mag-aaral laban sa pagiging diktador ni Marcos.
Nakikita na ng militar ang umano’y pulahan sa ginagawang pagkilos ng mga mag-aaral at kabataan. Hindi na kasi sila nanahimik. Ang mga estudyante aktibong nakikialam na sa mga nangyayari sa ating bansa. Kinukumbinse silang maging kasapi ng CPP at binubuyong sumama sa kilusang magpapatalsik kay Duterte, ayon sa militar. Pero, pinabulaanan ng mga mag-aaral ang bintang na ito sa kanila. Sarili umano silang kumikilos at walang komunistang nag-uudyok sa kanila. Bakit hindi kayang gawin ng mga kabataan at mag-aaral ang kanilang ginagawa ngayon? Laman na sila ng paaralan, laman pa sila ng kalye. Bukod dito, hindi lang nila nasasaksihan ang nagaganap sa ating bansa kundi nararamdaman nila ang sakit ng pagiging biktima. Walang pinipiling biktima ang kahirapan, kagutuman at kawalan ng katarungan. Ang mga nakaririwasa at naliligayahan ngayon ay iyong mga taong pinakikinabangan ang posisyong ipinagkatiwala sa kanila ng mamamayan at nagtatamasa sa kaban ng bayan.
Bakit hindi mag-aaklas ang mga kabataan at mag-aaral laban sa administrasyong Duterte? Sa tuwing magsasalita ang Pangulo ay hindi nila maringgan ng mga remedyo ang lumalang problema ng bayan na lalong nagpapahirap sa mga mahirap nang sektor ng lipunan. Wala kang marinig sa Pangulo na panglapat sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, na nagbubunsod ng pagtaas ng presyo ng lahat ng pangunahing bilihin at serbisyo. May bukbok na nga ang bigas, napakailap pang mabili ng mga dukha dahil ito lang ang mura. Ang isdang inangkat na p’wedeng mabili ng mga mahirap ay balsamado pa.
Ang maririnig mo lang sa Pangulo ay gawing biro ang grabeng problema ng bayan. Aniya, kaya nauubos ang bigas ay kumakain na ang mga gumaling sa pagkalulong sa droga. Hindi nawawala sa kanya ang magmura at magbanta sa lumalaban sa kanyang gobyerno. Inuutusan pa nga niya ang mga sundalo at pulis na patayin sila kapag nanlaban. Istilong Marcos kung remedyuhan niya ang problema ng mga dukha at nagugutom.
-Ric Valmonte