Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na aarestuhin at kakasuhan ang mga faculty members at instructors na mapatutunayang nanghihikayat sa mga estudyante na mag-aklas laban sa gobyerno.

Kasabay nito, bina-validate na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang impormasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na 18 eskuwelahan sa Metro Manila ang may ongoing recruitment sa mga estudyante upang sumali sa tinawag ng militar na “Red October” plot.

Sinabi ni PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde na hindi naman kaila na may mga faculty members na pinasusuweldo ng gobyerno ang kabilang sa mga pangunahing kritiko ng pamahalaan.

“What we are going to do. We will coordinate with them. Ang approach natin dito is kung ano ang maitulong namin, ng gobyerno, lalo na kung sa mga bata na magkaroon ng malawakan ‘yung kanilang pag-iisip, kanilang understanding, knowledge on what is really happening and what really need,” ani Albayalde.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kabilang dako, wala namang listahan ang NCRPO ng mga eskuwelahang pinasok na ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) para sa recruitment.

Gayunman, sinabi ni NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar na sakaling ma-validate nila ang nasabing impormasyon ay magkakaroon sila ng case build-up para kasuhan ang mga nanghihikayat ng pag-aaklas.

Kasabay nito, sinabi ni Bro. Armin Luistro dating kalihim ng Department of Education (DepEd) at pangulo ng De La Salle University, na magdudulot lang ng takot at pangamba sa publiko, partikular sa mga magulang at mga estudyante, ang listahang inilabas ng AFP.

“Ang ginagawa naman usually kapag ganiyan, meron kang mga lider sa mga pamantasan, ‘di ba kinakausap mo kaagad ‘yung mga pamunuan niyan?” sinabi ni Luistro sa panayam ng Radio Veritas.“I’m sure the university officials are very willing to listen to those. Kung ilalabas (sa media), anong magagawa n’yan kung meron kang impormasyon lalo na’t unverified, tapos ilalabas mo sa media, ano ‘yun para panakot lang?”

-Fer Taboy at Mary Ann Santiago