Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na “very good” at “gentle” ngunit mahina si Vice President Leni Robredo para pamunuan ang bansa.
Pinanindigan ng Pangulo, dati nang kinuwestiyon ang kakayahan ni Robredo, na mas nanaisin niya ang isang military junta kaysa kay Robredo na maging kapalit sakaling bumaba siya sa puwesto.
“Sa totoo lang sir, even her -- ‘yung public statements, I do not mean to offend the lady. She’s very good. She’s gentle. Pero mahina talaga si Leni,” ipinahayag ni Duterte sa hapunan kasama ang Philippine Military Academy Alumni Association Inc. sa Malacañang nitong Huwebes ng gabi.
“Hindi mahina ‘yung utak, pumasa ng bar eh. Mahina sa diskarte,” aniya.
Iginiit ni Duterte na hindi siya magbibitiw para bigyan ng pagkakataon si Robredo, isang abogado at dating mambabatas. “The one that you’re trying to get rid of really wants to go out. If you want to give me a reason -- pero I will not resign to give it to (her),” aniya.
Gayunman, handa siyang bumaba sa puwesto kung ayaw na sa kanya ang militar at hindi na kailanga ng kudeta.
“All you have to do is to come here, the major commands. If you feel like having coffee with me, then tell me and I will go down,”
-GENALYN D. KABILING