Arestado ang isang babae matapos umanong mangikil ng pera mula sa pamilya ng isang bilanggo sa Marikina City, nitong Huwebes ng gabi.
Sa police report, nagsagawa ng joint-entrapment operation ang mga elemento ng Marikina City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Intelligence Unit laban sa suspek na si Sharon Barnuevo, 42, ng Barangay Sto. Niño, Marikina City, sa loob ng isang fast food restaurant sa J.P. Rizal Street, dakong 6:30 ng gabi.
Ito ay matapos isumbong ni Paul Valderas, 47, ng Bgy. Calumpang, Marikina City, ang umano’y modus ng suspek.
Ayon sa awtoridad, inaresto ang misis ni Valderas sa anti-illegal drug operation nitong Oktubre 3.
Habang binibisita ang kanyang misis sa Marikina City Police Station, nilapitan umano si Valderas ng suspek at sinabing kaya nitong pababain ang kaso ng laban sa kanyang misis.
Sabi ni Valderas, hiningan siya ni Barnuevo ng P60,000 kapalit ng paglaya ng kanyang misis, na nahaharap sa kasong selling and possession of illegal drugs sa ilalim ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Nitong Huwebes, nagkataon na nakita ni Valderas ang isang grupo ng mga pulis sa police station nang bisitahin nitong muli ang kanyang misis. Nilapitan niya si SDEU chief Police Inspector Greco Gonzales at tinanong ang sinasabing “tulong” na alok ng suspek.
Nilinaw ni Gonzales kay Valderas na walang sinuman ang may kakayahan na gawin iyon.
Dahil dito, hiniling ng awtoridad kay Valderas na makipagtulungan sa kanila upang maaresto ang suspek sa joint-entrapment operation noong araw ding iyon.
Matapos ang pag-aresto, narekober sa suspek ang P30,000 na dapat ay unang bahagi ng bayad ng complainant, dalawang P1,000 marked money, at dalawang cellular phones.
Nakakulong si Barnuevo sa Marikina City police, at nahaharap sa kasong extortion.
-HANAH TABIOS