SA lalawigan ng Pampanga ay may dalawang malawak na housing project na binubuo ng mahigit sa 6,000 mga kabahayan, at masasabing maunlad ang kalagayan ng mga nakatira rito, dahil sa patuloy na lumalaking populasyon nito magmula nang maitayo noong 2008.

Ang komunidad ng Xevera sa bayan ng Mabalacat at Bacolor ay punumpuno ng sigla at buhay sa ngayon, kabalintunaan ng noon ay napabalitang patungo na ito isa pagiging “ghost town” dahilan sa ibinibintang na “scam” na isinagawa umano ng mismong developer nito, ang Globe Asiatique na pag-aari ng negosyanteng si Delfin Lee.

Ang bilyong pisong halagang gusot na ito ay nagsimula noong 2012 nang kasuhan ng Pag-IBIG Fund ang negosyanteng si Lee na umano’y nang-scam sa pamamagitan ng paggamit ng mga “fake beneficiaries” at “multiple buyers” ng mga loteng na-develop ng Globe Asiatique.

Sa gitna ng kasuhan, may mga nagsasabing ang panalo rito ay ang mga nakabili ng lote sa lugar sa dahilang sa loob ng halos walong taon ay walang naniningil sa kanilang mga hulog. Ngunit may mga nagdidepensa naman sa mga ito na mas agrabyado raw sila dahil marami ang malaki na ang naihulog subalit magpahanggang ngayon ay wala pa ring titulo.

Sa tingin ko naman – ang pinakakaawa-awa sa pangyayaring ito ay ang mismong developer na si Lee, na nakulong ng apat na taon sa mga kasong isinampa sa kanya ng Pag-IBIG Fund, na ibinasura ng korte sa Makati ngunit kinatigan naman ng korte sa Pampanga.

Sinabi kong kaawa-awa si Lee dahil ang dapat na magreklamo sa kanya ay ang mismong mga nakabili ng lote sa kanyang kumpanya ngunit ‘di ito ang nangyayari, sa halip, ang mga naninirahan sa Xevera pa ang nagsasabi at tumitestigong wala namang mga taong nagpupunta sa kanilang mga bahay upang angkinin ang mga ito.

May mga bulung-bulungan pa nga na ang kaso ni Lee ay produkto ng “venganza” ng ilang pulitiko at mga tiwaling opisyal sa hudikatura na hindi napagbigyan sa mga mararangya nilang kapritso – kaya sa halip na malutas ang maliit na problema ay lumaki at naging bilyones ang halaga. Mas pinahalagahan kasi ni Lee ang prinsipyo kaya ipinaglaban niya ito.

Apat na taong nagdusa si Lee sa bilangguan sa kasong “multiple estafa” na walang piyansa, habang gumugulong ang kaso sa korte, sa Court of Appeals (CA) at sa Supreme Court (SC) – hanggang sa makamit niya ang inisyal na hustisya na pinakaaasam-asam niya – matapos ibaba ng SC sa “simple estafa” ang kanyang kaso. Sa wakas ay nakapagpiyansa na si Lee, kahit may ilan pa ring opisyal na nagpipilit pa ring makulong siya sa ‘di naman maipaliwanag na dahilan.

Ito ang siste – sa tinagal-tagal ng kasuhan, ang lumalabas na may utang ngayon kay Lee ay ang Pag-IBIG Fund na umaabot sa P600 milyon at dapat nila itong maibigay agad sa developer.

Ngunit wala sa puso ni Lee ang paghihiganti – ang pangunahin sa isip niya ngayon ay ang kapakanan ng mga naninirahan sa komunidad na kanyang ginawa at pinalaki. Gusto niyang maayos ang gusot upang hindi naman malagay sa alanganin ang ipinundar ng mga taong nagtiwala at magpahanggang ngayon ay naniniwala pa rin sa kanyang kumpanya.

Dapat nang mag-isip-isip ang pamunuan ng Pag-IBIG Fund upang ang lahat nang “talunan” sa kasong ito ay manalo – ang Pag-IBIG Fund na siya palang may “utang” na P600 M sa developer; ang mga home owner na wala pang titulo, at ang developer na tumigil sa pag-inog ang mundo nang makulong dahil sa asuntong bunga ng kapritso ng iilang opisyal.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.