NAKAPAGTALA ng panalo si International Master Jan Emmanuel Garcia (Elo 2439) para sandigan ang54th seed Philippine men’s team sa 2.5-1.5 panalo kontra 95th seed Zambia nitong Huwebes sa 43rd Chess Olympiad sa Batumi, Georgia.

Nakipaghatiian naman ng puntos sina Grandmaster Julio Catalino Sadorra (2553), Grandmaster John Paul Gomez (2464) at International Master Haridas Pascua (2435).

Tangan ang puting piyesa, ginapi ni Garcia, head coach ng Ateneo de Manila University chess team, si Kela Kaulule Siame (2160) matapos ang 60 moves ng English Opening sa board three para rendahan ang koponan sa panalo.

Tumabla naman si Sadorra kay International Master Andrew Kayonde (2393) matapos ang 31 moves ng Catalan Opening sa board one maging si Gomez ay tabla kay Fide Master Douglas Munenga (2273) matapos ang 30 moves ng Ruy Lopez Opening sa board two at si Pascua na nakihati ng puntos kay Prince Daniel Mulenga (2337) matapos ang 45 moves ng King’s Indian defense sa board four.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Dahil sa panalo, nakisalo ang PH men’s team sa 20th place sa nakamadang 12 puntos kasama ang host Georgia 1, Norway, Argentina, Sweden, Slovenia, Georgia 2, Moldova, Egypt, Italy, Slovakia, Austria, Lithuania at Ecuador.

Susunod makakalaban ng Philippines men’s chess team ang 78th-seed Ecuador na dinaig naman ang 115th-seed Sri-Lanka, 3.5-0.5.

Nakamit naman ng 11th-seed Poland ang pangkahalatang liderato sa paglikom ng 16 points matapos ang 2.5-1.5 win kontra sa top seed at defending champion United States.

Giniba naman ng Filipina chessers ang South Korea, 3-1, matapos manaig sina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (2287), Woman Fide Master Shania Mae Mendoza (2113) at Woman International Master Bernadette Galas (2080) sa kani-kanilang katunggali.

Binasura ni Frayna si Woman Fide Master Chengjia Wang (2050) matapos ang 51 moves ng Modern defense sa board one, pinayuko ni Mendoza si Woman Fide Master Roza Eynula (2030) matapos ang 42 moves ng French defense sa board two at kinaldag naman ni Galas si Yubin Kim (1671) matapos ang 47 moves ng Vienna Opening sa board four.