Nailipat na nitong Miyerkules ng gabi sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City si retired Army Major General Jovito Palparan Jr. ilang linggo makaraan siyang hatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa pagkawala at pinaniniwalaang pagdukot sa dalawang babaeng estudyante ng University of the Philippines (UP).

BAGONG KAKOSA Makaraang hatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo, inilipat na si General Jovito Palparan sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa, kahapon. (CZAR DANCEL)

BAGONG KAKOSA Makaraang hatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo, inilipat na si General Jovito Palparan sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa, kahapon. (CZAR DANCEL)

Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nailipat na si Palparan sa NBP bandang 7:45 ng gabi nitong Miyerkules, mula sa kanyang detention cell sa Fort Bonifacio sa Taguig City.

Paliwanag ng kalihim, inilipat na sa Bilibid si Palparan makaraang tanggihan ng Malolos City Regional Trial Court (RTC) Branch 15 ang apela ni Palparan na ipagpaliban ang paglilipat nito ng piitan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Setyembre 17 nang hatulan ni Judge Alexander Tamayo, ng Malolos City RTC Branch 15, ng habambuhay na pagkabilanggo si Palparan sa kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala noong 2006 ng mga estudyante ng UP na sina Karen Empeño at Shrlyn Cadapan.

Bukod kay Palparan, tumanggap din ng parehong sentensiya sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at S/Sgt. Edgardo Osorio.

-Jeffrey G. Damicog