ANG mapaminsalang mga pagguho ng lupa sa Itogon, Benguet, at Naga City sa Cebu, bunsod ng malakas na ulan na hatid ni Super Bagyong ‘Ompong’ na kumitil sa mahigit 150 buhay, bukod sa nawawala pang 60 katao, ay maaaring naiwasan kung mayroong ahensiyang sadyang tutugon sa hagupit ng mga kalamidad.
Sa kanyang 2017 at 2018 na State-of-the-Nation Address (SONA), hinimok ni Pangulong Duterte ang Kongreso na lumikha ng nasabing ahensiya. Kamakailan, ipinasa ng Kamara ang House Bill 8165 na naglalayong lumikha ng isang hiwalay na Department of Disaster Resilience (DDR) upang tuwirang matugunan ang lalong lumalakas at dumadalas na pananalasa ng mga kalamidad at makatulong sa tuluy-tuloy na paglago ng pambansang ekonomiya.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang pangunahing may-akda ng naturang bill, maaaring naiwasan sana ang trahedya sa Itogon at Naga kung naitatag na ang DDR. Si Salceda din ang chairman ng technical working group ng Kamara na naatasang pagsama-samahin sa kanyang orihinal na bill ang mga panukala ng iba pang mga mambabatas. Nabuo nila ang ‘substitute bill’ na naging HB 8165, na siyang ipinasa ng Kamara kamakailan.
Tinukoy ni Salceda ang trahedya sa Naga na isang kaso ng pagwawalang bahala sa banta ng kalamidad. Tatlong opisyal ng DENR Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang sinuspinde matapos ang imbestigasyong ginawa sa trahedya. Pahiwatig ito na hindi nila binigyan ng pagpapahalaga at ‘di ginawang priotridad ang banta ng trahedya. Sa ilalim ng HB 8165, ang MGB, partikular ang Geo-Hazard Unit nito ay isasailalim sa DRR upang “maihiwalay ang interes ng pagminina sa sadyang mandato ng ahensiya.”
Kasama ng MGB, ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng Department of Science and Technology (DoST), at Bureau of Fire Protection (BFP) ng Department of Interior ang Local Government (DILG) ang isasailalim sa DDR.
Ayon sa paliwanag ni Salceda, pagsasama-samahin sa DDR ang lahat ng ahensiyang may tungkulin sa pagbibigay babala tunkol sa kalamidad at pagtugon dito upang maging mabisa ang pagpaplano ng mga hakbang at istratehiya laban sa kalamidad, habang pinananatili ang “Whole-of-Government and Whole-of-Nation approach” sa mga ito.
Magiging ‘lead agency’ ang DDR at mandato nito ang bumalangkas at ipatupad ang mabisa, nakatuon, at pinatibay na mga programa upang mapaghandaan, matugunan, at pagaanin ang hagupit ng mga kalamidad at makatulong na matiyak ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng bansa, dagdag niya.
Sa susunod na manalasa na naman ang kalamidad, sana ay naitatag na ang DDR nang mabisang matugunan ang sadyang mandato nito para sa pangkalahatang kabutihan.
-Johnny Dayang