Matapos ang 11 araw na deliberasyon, pinagtibay ng Kamara sa pangalawang pagbasa, sa pamamagitan ng viva voce voting nitong Miyerkules ng gabi, ang House Bill 8169 o ang Fiscal Year 2019 General Appropriations Bill (GAB) na P3.757 trilyon para sa 2019.
Dahil sa pagpapatibay ng pambansang budget, tiyak na hindi magkakaroon ng budget reenactment sa susunod na taon.
Sa committee amendments, iminungkahi ni Majority Floor Leader Rolando Andaya Jr., ang approval sa mga susog ng Committee of the Whole, na nilalaman ng Committee Report No. 854.
Nagpulong ang Kamara bilang Committee of the Whole nitong Setyembre 18 at inaprubahan ang mga susog na nagkakaloob ng kabuuang P51.79 bilyon na ilalaan sa sumusunod na mga programa: P3 bilyon sa Department of Education (DepEd) para sa konstruksiyon ng technical-vocational laboratories; P5B sa Department of Agriculture (DA) para sa farm-to-market roads; P1.2B sa State Universities and Colleges (SUCs) para sa capital outlays; at P5B sa National Disaster Risk Reduction Management Fund (NDRRMF) para sa capital outlays.
Para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ilalaan ang P10.8B sa konstruksiyon ng mga kalsada patungo sa tourism destinations; P10.792B para sa construction/improvement ng mga daan patungo sa trades, industries, economic zones, at livelihood centers; at P10B sa pagtayo ng mga daan at tulay para mabawasan ang bigat ng trapiko.
-Bert De Guzman