SA hearing hinggil sa budget ng Department of National Defense (DND) para sa 2019, ay dumalo ang mga opisyal ng militar. Nagkaroon ng pagkakataon si Senator Antonio Trillanes na tanungin ang mga ito, kung batay sa kanilang
imbestigasyon, ay nakapag-file siya ng amnestiya noong 2011. Nang sagutin siya ni Armed Forces Chief of Staff Gen. Carlito Galvez, Jr., ay sinang-ayunan niya ang naunang pahayag ni Col. Josefa Berbigal. Sinabi ni Berbigal sa kanyang sinumpaang salaysay na ang dating navy junior officer na si Sen. Trillanes ay nag-apply ng amnestiya at inamin niya ang kanyang pagkakasala. “Maaaring nagkaroon ng pagkakamali sa pagtatangan ng mga dokumento ng amnestiya at hindi naibigay ang mga ito sa AFP deputy staff for personnel o J1,” sabi ni Gen. Galvez. Kaya, aniya, nag-isyu ng sertipikasyon si Lt. Col. Thea Joan Andrade ng J1 na walang kopya ng application for amnesty si Trillanes sa records. Ayon kay Gen. Galvez, batay sa pahayag ni Berbigal, na siyang pinuno ng namahala ng pagpoproseso ng amnesty applicants noong 2011 bunga ng Proclamation 75 ng dating Pangulong Noynoy Aquino, ang proseso ng amnestiya ay nangyari sa General Headquarters. Nang igiit ng Senador sa Heneral ang katanungan kung nag-apply siya o hindi ng amnestiya, nag-apply daw siya ayon kay Berbigal
Sa batayan ng Proclamation No. 572 na inisyu ni Pangulong Duterte, walang katibayan na si Trillanes ay nag-apply ng amnestiya. Kaya, ipinabasura niya ang amnestiya ni Trillanes, ipinadarakip siya at ipinabubuhay ang mga kasong rebelyon at coup d’etat laban sa kanya. Binuhay ng dalawang korte sa Makati ang mga kaso. Katunayan nga, naglabas ng warrant of arrest si Judge Elmo Almeda ng Makati RTC Branch 150 at ipinaaresto si Trillanes sa salang rebelyon. Pero, naging maingat si Judge Andres Soriano ng Makati RTC Branch 148 dahil hindi kaagad ito nag-isyu ng arrest warrant, bagkus, itinakda niya sa Oktubre 5 ang pagdinig ng pagbuhay ng kasong coup d’etat ni Trillanes. Grabe sana ang sinapit ng Senador kung kasing bilis din niyang inaksyunan ang kahilingan ng Department of Justice (DoJ) na mag-isyu ito ng warrant of arrest. Kasi, hindi gaya ng rebelyon na denesisyunan kaagad ni Judge Almeda, ang coup d’etat ay walang piyansa. Nakakulong pa sana si Trillanes hanggang ngayon habang hindi pa natatapos ang usapin kung tama ba at legal ang ginawang pagbawi ni Pangulong Duterte na sa amnestiyang iginawad sa senador ni dating Pangulong Noynoy.
Ngayon ay nilinaw na ni Gen. Galvez na nag-apply ng amnestiya si Trillanes at ang pagkawala ng application ay problema ng tao o komite na nag-iingat ng dokumento tulad nito. Ngunit humihirit pa si Presidential Spokesperson Harry Roque. Aniya, hindi abogado si Galvez, ang pinakamainam na ebidensya para patunayang nag-apply ng amnestiya ang Senador ay ang kanyang application form. Bakit may amnestiya ang Senador? Kapag sinundan mo ang pangangatwiran ni Roque, may batayan ang bintang ng Senador na ninakaw ni Solgen Calida ang kanyang application form.
-Ric Valmonte