JAKARTA (AFP) – Araw-araw na lumalaban ang disaster agency spokesman ng Indonesia para mabigyan ng update ang mundo 24/7 kaugnay sa mga huling kaganapan sa mapinsalang quake-tsunami, sa kabila ng nalalapit na petsa ng kanyang kamatayan dahil sa terminal cancer.
Si Sutopo Purwo Nugroho, kilala sa tawag na Pak Topo (Mr Topo) ang mukha ng communication efforts ng gobyerno, naglalabas ng balita kaugnay sa matinding krisis sa isla ng Sulawesi na pumatay na ng mahigit 1,442 katao.
Tumanggi ang 48-anyos na ipasa ang responsibilidad, hinihila ang sarili araw-araw sa press briefings, sumasagot sa mga tawag ng reporters at mabilis na nakikipagkomunikasyon sa social media, kahit pahina nang pahina ang pakiramdam niya sa bawat araw na lumipas dahil sa stage 4 lung cancer.
‘’I can’t lie about my physical condition -- the cancer has spread to other parts of my body and it’s weakened my body,’’ aniya sa makabagbang-damdaming mensahe sa reporters sa social media nitong linggo.
‘’I apologise if I cannot respond to every question from journalists, my friends. If I was healthy, I would surely do it no matter what.’’
Maputla at halatang payat, natanggap ni Nugroho ang malungkot na balita noong Enero na siya ay malapit nang mamamatay at maaaring hindi na tatagal ng isang taon ang kanyang buhay.
Iniulat na nangako si Nugroho sa kanyang asawa na maghihinay-hinay na trabaho ngunit kabaligtaran nito ang nangyari nang tamaan ng sunud-sunod na mga kalamidad ang Indonesia nitong mga nakaraang buwan.
Nagawa niyang mag-isyu ng 200-salitang update sa mapinsalang landslide noong Pebrero habang nakaratay sa ospital, iniulat ng local media.
At noong Agosto, nagpadala siya ng mga ulat kaugnay sa mapinsalang quake disaster sa isla ng Lombok, sunod sa Bali, ilang minuto pagkatapos ng kanyang chemotherapy session.
Tinanggap ni Nugroho, may doctorate sa natural resources at environment, ang trabaho walong taon na ang nakalipas sa layuning pagsamahin ang kanyang edukasyon at hilig sa pagsusulat, sinabi niya sa Jakarta Post nitong unang bahagi ng taon.
‘’Doctors told me that with chemotherapy and radiation, I probably have one to three years left,’’ iniulat na sinabi niya.