NANG lumagda ng exclusive contract si Jasmine Curtis Smith sa GMA Network ay hindi niya alam na napakalaki pala ng first project na ibibigay ng network sa kanya. Hindi raw siya nag-expect dahil nga bago pa lamang siya at kalilipat lang galing TV5.
“After po noon, nag-guest na ako sa ilang shows ng GMA, bago ako muling nakipag-meet sa kanila para sa first project ko, kasama si Mama Betchay (Vidanes, her manager),” kuwento ni Jasmine sa media conference ng Pamilya Roces. “Nang malaman ko kung gaano kalaki ang project, na-overwhelm ako, it’s such a huge cast, ibig sabihin kailangan mong makisama sa lahat ng kasama mo sa work. Socially kasi, nao-overwhelm ako, may anxiety kasi ako sa social gatherings, kapag hindi siya work, so nu’ng hindi pa kami nagti-taping parang may hiya pa akong makipag-usap, makipag-mingle.
“But at the end of it, now that we’re taping, we’re relaxed, everyone can throw jokes na walang parang second guessing kasi kumportable sila sa isa’t isa. Mas naging madali rin sa akin ‘yung transition na maramdaman ko na Kapuso ako when I’m on the set. So happy and very excited to see kung anong kalalabasan ng story namin, kasi trailers pa lamang ang nakita ko and just from the script itself, nai-enjoy ko ‘yung story niya.”
Nilinaw rin ni Jasmine na ang Pamilya Roces lamang ang unang teleserye na ini-offer sa kanya, wala nang iba, ‘di tulad ng mga nasulat at pinag-usapan sa social media na isa raw fantasy series ang una niyang gagawin sa GMA 7.
Sa nasabing serye ay makakatambal niya si Andre Paras. Sa story ay siya si Pearl Renacia, first child ni Lily Renacia (Ana Roces), bago nito nakilala si Rodolfo Roces (Roi Vinzon) at naging anak nila si Amethyst (Shaira Diaz), ang palaban na stepsister ni Pearl.
Si Andre naman ay si Gareth Austria, adopted son ni Camilla (Snooky Serna) kaya hindi sila parehong Roces.
Sa Lunes, October 8, ay mapapanood na ang Pamilya Roces sa direksyon ni Joel Lamangan, pagkatapos ng Onanay.
-NORA V. CALDERON