SI Ms. Gloria Diaz ang kauna-unahang Filipina Miss Universe. Nanalo siya noong 1969, pero after 49 years, maganda at sexy pa rin siya. Nasa GMA Network siya ngayon at gumaganap bilang si Natalia Austria-Roces, ang maganda, sopistikada, dating modelong mula sa isang mayamang pamilya at ang legal wife ni Rodolfo Roces, na gagampanan naman ni Roi Vinzon, isang mayamang businessman na may-ari ng Roces Group of Companies, sa dramedy series na Pamilya Roces sa primetime ng GMA 7.
Kaabang-abang kung paano siya makikipagkumpetensya sa dalawa pang asawa ng kanyang mister, sina Elizabeth Oropesa, ang ikalawang asawa, at si Ana Roces, ang ikatlo asawa at true love ni Rodolfo.
Dalawa ang anak ni Natalia, sina Crystal Rose Roces-Javellana (Carla Abellana) at Jade Roces (Gabbi Garcia). Sino kaya sa dalawang anak ang magmamana ng ugali ni Natalia?
Samantala, masaya si Gloria dahil parehong maganda at mahuhusay na artista ang gumaganap na anak niya sa serye.
Dahil siya ang Miss Universe 1969, natanong si Gloria sa mediacon ng Pamilya Roces kung okay lang sa kanya na may sumaling transgender sa Miss Universe.
Ang sagot ng beauty queen: “Okay naman sa akin, kaya lamang hindi ko alam kung paano ito makaka-affect sa competition kasi ‘pag beauty contest, mga babae talaga ang kasali, ‘di ba? Para sa akin kasi ang most prestigious beauty contest ay ang Miss Universe, ewan ko lamang ngayon. Ilang beses na rin akong nakapag-judge na may mga transgender at ang gaganda nila talaga.”
Makaraang magwagi sa Miss Universe competition noong 1969, pinasok din ni Gloria ang showbiz at ang una niyang pelikula ay ang Pinakamagandang Hayop Sa Balat ng Lupa noong 1974.
“Kapag ni-remake ang first movie ko, gusto kong si Gabbi Garcia ang gumanap sa role ni Isabel. Bagay na bagay sa kanya ang role.”
Ang Pamilya Roces na idinidirek ni Joel Lamangan ay mapapanood na simula sa Lunes, October 8, pagkatapos ng Onanay.
-Nora V. Calderon