MATAGAL nang batid na ang Pilipinas ay napag-iiwanan ng mga bansa sa Asya at iba pang bansa sa mundo pagdating sa usapin ng serbisyo sa Internet dahil sa kakulangan ng cell sites para sa mabilis na pag-usbong ng naturang industriya.
Ang Pilipinas ay mayroon lamang 16,000 cell sites, kumpara sa Vietnam na may 65,000. Kinakailangan natin ng 50,000 pang cell sites upang mapaglingkuran ang 67 milyong Filipino Internet users ngayon. Mismong si Pangulong Duterte ay batid ang naturang kakulangan nang sa simula ng kasalukuyang taon, ipanawagan niya ang ikatlong telecommunication firm sa bansa.
Sa public consultation kamakailan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa common tower policy — isa sa mga paraan upang resolbahin ang problema sa kakulangan ng cell sites sa bansa — ipinanawagan ni presidential adviser on ICT and economic affairs Ramon Jacinto ang pagkakaroon ng dalawang independent at private tower companies.
Iba’t ibang kumpanya na interesadong magtayo ng telecom towers sa bansa ang agad na tumutol sa ideyang limitahan ang pagtatayo ng cell sites sa dalawang independent at private owner companies. “We need more companies if you want a reliable industry,” ayon sa isang opisyal ng American Tower Corp., isa sa anim na dayuhang kumpanya na interesadong makiisa sa telecom expansion program ng bansa. Walang saysay ang pagkakaroon ng dalawang kumpanya sa programa, ayon naman sa opisyal ng isa pang kumpanya, ang Frontier Tower. Para naman sa opisyal ng isa pa ring kumpanya mula sa Norway, ang Telenor, wala dapat limitasyon sa bilang ng providers na tutulong paramihin ang cell sites sa Pilipinas.
Ang paglimita sa dalawang cell site companies ay isa sa mga patakaran na iminungkahi para sa cell tower policy na plinano ng gobyerno upang paunlarin ang serbisyo sa Internet. Ang iba pang patakaran na iminungkahi ay kinakailangang ang mga kumpanya ay independent mobile network operators at ang telcos ay walang parte sa tower firms upang masiguro ang matapat at malinis na kasunduan.
Anuman ang maging desisyon sa usapin ng tower companies, dapat maging malinaw na ang dahilan ng kasalukuyang Internet servers sa bansa – Globe at Smart— kung bakit hindi nakapagtayo ng maraming cell site ay nahirapan ang mga itong makakuha ng permit mula sa local government units. Kinakailangan ng 25 permit at walong buwan upang makapagtayo ng isang cell site, anila, at walang eksaktong halaga ng babayaran sa pagtatayo ng mga towers na sinisingil ng iba’t iabng local governments.
Ang hindi pagkakasundo sa towers ay isang indikasyon na tayo ay kumikilos sa pagsisikap na mapabilis at mapaunlad ang Internet service sa bansa. Makatutulong ang mga towers, lalo na’t maraming kumpanya na interesadong magtayo sa ilalim ng bagong programa ng pamahalaan, ngunit ang susi para sa tagumpay ng programa na mapaunlad ang Internet service sa bansa ay ang suporta ng mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng mga cell sites na itatayo sa iba’t ibang panig ng bansa.