LINGGU-LINGGO ang pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo. Dahil dito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa totoo lang, mismong si President Rodrigo Roa Duterte ang naniniwalang ang pagsikad ng inflation rate (6.4%) nitong Agosto ay bunsod ng hindi maawat-awat na pagsirit ng halaga ng petroleum products.
Of course, iba naman ang paniniwala ng mga kritiko at mamamayan. Ang dahilan ay ang pananagasa ng TRAIN law ng administrasyon at ng economic managers ng Pangulo. Malaki nga raw ang buwis na napupunta sa gobyerno para sa ambisyosong “Build, Build, Build Program” nito subalit ang nakukuba naman ay mga ordinaryong Pinoy na halos lahat ng bilihin sa palengke ay nagsitaas gaya ng bigas, isda, manok, gulay at iba pa.
Nalalapit na ang Pasko. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang presyo ng mga noche buena item ay inaasahang tataas ng tatlo hanggang walong porsiyento. Sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo, inabisuhan na sila ng mga manufacturer o gumagawa ng mga produktong pang-noche buena tungkol sa price increases. Gayunman, pinag-aaralan pa ng DTI kung ang pagtataas ng presyo ay kailangan at makatwiran.
Nakauwi na rin sa wakas si Sen. Antonio Trillanes IV sa kanyang bahay matapos ang tatlong linggong pamamalagi sa Senado matapos bawiin ni PRRD ang Proclamation 75 ni ex-PNoy na nagkakaloob sa kanya ng amnestiya. Iniutos ni Mano Digong na siya ay dakpin.
Gayunman, hindi kumilos ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) hanggang walang kautusan ang hukuman na may kapangyarihang magpadakip sa senador. Mismong si PDu30 ang bumawi sa utos niyang dakpin si Trillanes matapos magpasiya ang Korte Suprema na hintayin ang desisyon ng Makati City Regional Trial Court tungkol sa kasong rebelyon at kudeta.
Sa kasong rebelyon na hawak ng Branch 150, iniutos na dakpin si Trillanes. Nagpiyansa siya at agad bumalik sa Senado. Ang Branch 149 ang nagpasiyang hindi ipadakip si Trillanes. Dahil dito, sumunod ang AFP at PNP na hindi arestuhin ang kritiko ng Pangulo. Ipinasiya ni Trillanes na umuwi sa bahay para makapiling ang pamilya, madalaw ang inang may sakit, at mahaplos ang alagang aso na si Bruno.
Bagamat lumilitaw sa mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) na matamlay at walang gana ang mga Pilipino sa Charter Change (Cha-Cha) para magbigay-daan sa pederalismo na gusto ni PRRD, hindi maawat sina dating pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at 21 kongresista na isulong ang pag-aamyenda sa Konstitusyon.
Naghain sina SGMA at mga kasama ng isang resolusyon na naglalaman ng bersiyon ng Konstitusyon na nais nilang aprubahan ng mga mamamayan. Para sa kanila, marami nang probisyon sa 1987 Constitution ang naipatupad na at kailangan ngayon ang bagong mga probisyon sa pagbabago ng panahon.
Para naman sa mahigit 100 milyong Pinoy, hindi nila kailangan ang pagsususog sa Saligang-Batas. Hindi raw nila ito makakain. Ang hangarin nila ay makaraos ng tatlong beses na pagkain araw-araw, ibaba ang presyo ng mga bilihin, iwasan ang pamumulitika, at pagpapayaman ng mga taong-gobyerno na limpak-limpak ang salapi at kumakain ng masasarap habang ang mga ordinaryong tao ay nagdidildil ng asin, at kumakalam ang sikmura.
-Bert de Guzman