NAIPIT ba kayo sa matinding trapik sa sentro ng Caloocan City noong nakaraang Sabado?

Halos hindi na makausad ang mga sasakyan dulot ng mga nagdagsaang motorsiklo na dumalo sa Arangkada sa Caloocan motorcycle event sa 10th Avenue.

Libu-libong mga rider ang dumayo sa tinaguriang ‘Motorcycle Capital of the Philippines’ dahil sa bonggang programa na inihanda ng dalawang higanteng motorcycle company na namamayagpag sa motorcycle sales chart sa Pilipinas.

Nagpatalbugan ang Honda Philippines, Inc. (HPI) at Yamaha Motor Philippines (YMPH) sa pagbibigay aliw sa kanilang mga patron na nanggaling sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City, taun-taong idinaraos ang Arangkada festival bilang pagkilala sa malaking tulong sa ekonomiya ng siyudad ng industriya ng motorsiklo.

Lalo na ngayong patuloy ang paglobo ng komunidad ng mga rider sa bansa.

Alam n’yo ba kung gaano kalaki ang sales ng motorcycle units noong 2017? Ito’y umabot sa 1.5 milyon.

At ayon sa record ng Land Transportation Office (LTO), simula nitong Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon, umabot na rin sa 1.4 milyon ang mga bagong rehistrong motorsiklo.

Ibig sabihin nito ay may posibilidad na pumalo sa dalawang milyon ang total sales ng motorsiklo sa bansa sa pagtatapos ng 2018.

Nakalulula ba?

Masisisi n’yo ba ang mga Pinoy rider kung nagtitiis na lang sila sa init, alikabok, usok ng sasakyan, insektong lumilipad, at ulan sa tuwing sila ay sumasakay sa motorsiklo.

Halata namang napilitan lang ang karamihan ng mga ito na bumili at gumamit ng motorsiklo dahil sa kalbaryo sa pagkuha ng masasakyan sa araw-araw.

At nang ating tanungin ang Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA), ang pinakamalaking organisasyon ng mga pangunahing motorcycle company na nakabase sa ‘Pinas, aabot sa 95 porsiyento ng naibentang motorsiklo ay sa pamamagitan ng financing scheme.

Iyan din ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit patuloy ang pagdami ng motorsiklo sa lansangan.

Hindi lamang ito nangyayari sa Metro Manila ngunit maging sa ibang siyudad sa bansa na nakararanas na rin ng matinding trapik.

Samantala, kapansin-pansin na karamihan sa mga dumalo sa Arangkada event ay mga kabataan o estudyante.

Dahil sa maraming magagarang modelo ng motorsiklo ang ipinarada ng Yamaha at Honda, hindi mapigil ang pagtulo ng laway ng mga ‘millennial’ na hanggang ngayon ay nananaginip na magkaroon ng isa sa mga ito.

Tuwing umaga, kalunus-lunos ang itsura ng mga estudyante na hindi makakuha ng sakay patungo sa kanilang eskuwelahan.

Ang tanong: Kung ikaw ay isang magulang, papayagan mo ba ang anak mo na mag-motorsiklo?

-Aris Ilagan