Kinumpirma kahapon ni Special Assistant to the President Bong Go na natanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resignation ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson.

Ito ang inihayag ni Go ilang oras makaraang ihayag ni Uson ang pagbibitiw niya sa tungkulin, na tinawag niyang “sakripisyo”, sa gitna ng pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng PCOO para sa 2019.

“Tanggap na po. Antayin na lang formal acceptance,” saad sa text message ni Go sa Malacañang reporters.

Sa kanyang pagdalo kahapon sa pagdinig sa Senado, inihayag ni Uson na para maaprubahan ang budget ng PCOO ay magbibitiw na lang siya sa puwesto bilang sakripisyo.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

“Taun-taon ay sinasabihan ako na huwag punahin ang ilang mga mambabatas, para hindi ipitin ang budget ng PCOO. Nakakagalit man ngunit ganyan ang sistema natin sa kasalukuyan. Bulok man, ngunit ito ang kailangang sundin. At dahil d’yan, ako na ang magsasakripisyo para maipasa na ang budget ng PCOO. Ako ay nagdesisyon nang mag-resign,” sabi ni Uson.

Nauna rito, ilang beses na ipinagpaliban ang pagdinig ng Kamara sa budget ng PCOO dahil sa hindi pagdalo ni Uson.

Matatandaang matagal nang ipinananawagan ng mga kritiko ni Uson ang kanyang pagbibitiw kasunod ng kontrobersiya ng kanyang “Pepedederalismo” video kasama ang kapwa blogger na si Drew Olivar, na sinundan pa ng panibagong video ng panggagaya ng huli sa sign language, sa harap ng tumatawang si Uson. Kapwa nag-viral ang dalawang video.

‘SIMULA PA LANG’

Sa panayam ng Super Radyo DZBB, pinasalamatan naman ni Go si Uson sa naging serbisyo nito sa gobyerno at sa mamamayan.

“Nirerespeto po namin ang kanyang pagre-resign at nagpapasalamat rin kami kay Asec. Mocha sa kanyang naging serbisyo po sa gobyernong Duterte. Naging good ally po siya,” sabi ni Go.

Sa kabila nito, iginiit ni Uson na ang kanyang pagre-resign ay “hindi ang katapusan ng laban”.

“So, ang mga kababayan naman natin nasa Facebook na. Malalaman natin ang sentimyento doon. Basta para sa akin po, hindi ito ang katapusan ng laban. Simula pa lamang po ito. Ito kasi, noon napipigilan po ako, taun-taon na lang sinasabi na huwag ko raw punahin ang mga mambabatas dahil iipitin daw ang budget ng PCOO. Ay, hindi na po pupuwede sa akin ‘yon. Kaya po ako nag-resign,” litanya ni Uson.

Nang matanong tungkol sa posibilidad na tumakbo siya para senador sa susunod na taon, sinabi ni Uson na pagbabasehan pa niya ang mga komentong mababasa niya sa Facebook, at ang opinyon ng kanyang mga tagasuporta, bagamat “open” siya sa posibilidad.

‘LAGOT SILANG LAHAT’

Samantala, mistula namang nagbabala si Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga kritiko ni Uson ngayong nagbitiw na ito sa PCOO.

“I wish her the best. I will miss her, but she did make it clear na ipagpapatuloy niya ang advocacy,” sinabi kahapon ni Roque sa Malacañang press briefing. “Lagot po silang lahat kay Mocha Uson.”Sinabi ni Roque na napakalawak ng impluwensiya ni Uson, partikular sa social media.

“You cannot deny that Asec Uson is a celebrity on the Internet—Facebook. She was a messenger to many of the President’s supporters,” ani Roque.

PCOO IPINABUBUWAG

Kaugnay nito, sa nasabing pagdinig ay iginiit ni Senate President Tito Sotto III ang posibilidad na buwagin na lang ang PCOO at ibalik ito sa Office of the Press Secretary (OPS).

“Imbento nung nakaraang administrasyon ang PCOO. We already gave them two years. Mas maganda kung maging streamlined, gawing Office of the Press Secretary, na tutal si (PCOO Secretary) Martin Andanar was confirmed in the Commission on Appointments actually as press secretary, technically, because there is no PCOO,” paliwanag ni Sotto.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, LEONEL M. ABASOLA, at BETH CAMIA