Plano ng Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng “price setting” para sa asukal at bigas sa pagpapahintulot sa pag-aangkat ng mga siguradong magbebenta ng P38 sa kada kilo ng bigas, at P50 sa bawat kilo ng asukal.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, sa pamamagitan ng “price setting” ay matitiyak na may supply ng mababang presyo ng bigas at asukal sa mga pamilihan.

Aniya, plano ng gobyerno na mag-angkat ng 350,000 metriko tonelada ng bigas upang madagdagan ang supply nito, bukod pa sa 750,000 metriko tonelada na una nang inaprubahan ng National Food Authority Council para sa importation.

“We will make the import conditional on this undertaking and they will be given permission,” ani Lopez.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Maaaring magbigay ng import permit para sa partikular na dami ng aangkatin sa itinakdang panahon at presyo, subalit magbabayad pa rin ang mga importer ng 35% taripa para sa proteksiyon ng mga magsasaka. Isasailalim din sa auditing ang kinita ng mga ito upang makumpirma na lahat ng stocks na pinayagang angkatin ay ibinebenta sa itinakdang presyo.

“This way, we don’t need to worry about layers of traders who will just make margins in the process. With this scheme, we allow retailers who will undertake to sell all their imported stocks at the set price,” sabi ni Lopez.

Inilatag na ni Lopez kay Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol ang “price-setting”, at positibo naman umano ang naging tugon ng kalihim.

Kapag naipatupad na, ang murang bigas at asukal ay mabibili sa mga supermarket, at sa mga outlet store ng DTI at DA.

Kasabay nito, napigilan din ng DTI ang pagtataas ng presyo ng tinapay makaraang mapakiusapan ang malaking samahan ng mga panadero sa bansa.

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na nakausap nila ang Fil-Baking Association, na nagsabing wala pa itong ipatutupad na price increase sa tinapay, partikular sa pandesal at tasty bread, dahil hindi pa naman tumaas ang presyo ng harina.

Wala ring opisyal na dokumentong ipinadadala sa DTI mula sa flour millers kaugnay ng pagtataas ng presyo ng harina sa merkado.

Nitong nakaraang buwan humirit ang ilang panadero ng price hike sa tinapay, partikular sa pandesal dahil sa patuloy umano ang pagtaas ng presyo ng asukal, harina at iba pang sangkap sa paggawa ng tinapay.

-BERNIE CAHILES-MAGKILAT at BELLA GAMOTEA8