SUMIKLAB muli ang kontrobersiya sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noong Huwebes sa harap ng Career Service Professionals sa Malacañang nang sabihing ang tangi niyang kasalanan ay ang extrajudical killings (EJKs), pero never sa isyu ng kurapsiyon at pagnanakaw.
Ganito ang sinabi ng ating Pangulo sa pagtitipon: “What are your sins? Ako? Sabi ko nga sa militar, ano kasalanan ko? Nagnakaw ba ako diyan ni piso?”
Ito ay umani ng katakut-takot (hindi sandamakmak) na puna at batikos mula sa mga kalabang-pulitikal at kritiko ni PRRD. Nadulas daw ang Pangulo sa pag-amin na kasalanan niya ang EJKs pero hindi ang kurapsiyon.
Para kay presidential spokesman Harry Roque, maaaring isang biro lang ang pahayag ng Presidente. Hindi raw dapat ipakahulugan ito nang literal ng mga tao, dapat kunin ito sa tunay na konteksto. Sabi naman ni presidential chief legal counsel Salvador Panelo, ibig lang daw sabihin ng Pangulo ay wala siyang bahid ng kurapsiyon at tanging ang EJks ang isyu na ipinupukol sa kanya.
Sabi ni Roque, Bisaya kasi ang Pangulo kung kaya hindi niya na-express ang tunay na kahulugan ng kanyang sinabi. Dapat umanong masanay ang mga Pinoy sa pagbibiro ng machong Pangulo. Sagana rin sa rape joke si PDu30 ngunit hindi nangangahulugan na binabastos o minamaliit niya ang kababaihan. Minsan ay sinabi niyang maraming insidente ng rape sa Davao City dahil maraming magagandang dilag sa siyudad.
Binatikos ito ng grupong kababaihan, ng GABRIELA, ni Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Risa Hontiveros. Ayon sa kanila, hindi dahilan ang pagiging maganda ng isang babae upang siya’y maging target ng pagnanasa at rape ng isang lalaki.
Malusog at masigla si Pres. Rody, ayon sa kanyang partner na si Honeylet Avancena, na sagot niya sa mga haka-haka at tsismis na siya may malubhang sakit ang Pangulo. Samakatwid, nagkakamali sa bintang si Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines, na may sakit ito dahil nangingitim daw ang mukha.
Sinabi ni Honeylet na si PRRD ay isang health buff, malimit magpatingin sa doktor upang matiyak na kaya niya ang bigat ng pananagutan ng panguluhan. Madalas siyang magpa-check-up dahil sa gastro condition. Kung ang ating Pangulo nga naman ay may sakit, hindi siya makapupunta sa Israel at Jordan, at makapag-iikot sa Mindanao, Visayas, at Luzon.
Hindi raw pagtatangkang ibaling o iligaw ang pansin ng mga mamamayan sa lumalang inflation kung kaya ibinabandila ngayon ng Duterte administration ang tinatawag na “Red October Plot” para patalsikin siya.
Ayon kay Roque, plano ng kilusang komunista, Liberal Party, at Magdalo Group ni Senator Antonio Trillanes na ilunsad ang pagpapatalsik kay PRRD ngayong Oktubre. Itinanggi ito ng CPP, LP, at Magdalo. Sinisikap ngayon ni PDu30 at ng kanyang economic managers na mapababa ang inflation rate at mabigyan ng murang pagkain, bigas, isda, gulay, at karne ang mga Pilipino.
-Bert de Guzman