IBINIDA ng mga batang babae mula sa siyam na bayan at isang lungsod ng Nueva Ecija ang kani-kanilang kultura sa pagsusuot ng mga kakaibang costumes, partikular na ang long gowns, na gawa sa local materials at pinalamutian ng mga accessories.
Ito ay idinaos sa SM Megacenter at ang unang Costume Festival, ay sequel ng Nueva Ecija Harvest Festival.
Layunin ng mga costumes, na binuo ng mga local talents, na maipakita ang pagkamalikhain ng mga Novo Ecijanos, kasabay ng pagmamalaki sa One Town One Product ng bawat bayan at lungsod sa Nueva Ecija.
Ayon kay Joanne Z. Bondoc, assistant mall manager, isinagawa nila ang festival sa pakikipagtulungan sa Provincial Tourism Office of Nueva Ecija, sa pamumuno ni Lorna Mae Vero, upang ipakilala ang probinsiya bilang tourist destination.
Pinasalamatan ni Bondoc ang pakikiisa ng local government units (LGUs), na kinabibilangan ng bayan ng Cabiao, Pantabangan, Jaen, San Antonio, Bongabon, Zaragoza, Gabaldon, Llanera, at Aliaga at ang Science City of Muñoz.
Sinabi ni Vero na naniniwala si Gov. Czarina Umali na ang turismo ay magkakaloob ng mas maraming pangkabuhayan para sa mga taga-Nueva Ecija.
Dahil ang Nueva Ecija ay isang agricultural province na tinawag na Rice Granary of the Philippines, karamihan sa mga ipinakitang costumes — na kulay berde, dilaw, at brown — ay sumisimbolo sa palay.
Ang iba pang produkto, gaya ng walis tambo, gatas, isda at gulay ay tampok din sa ilang gowns at dresses.
Kinilalang grand winner ang Filipiniana dress na gawa sa pinatuyong dahon ng saging.
Ito ay halaw sa “Taong Putik” costume na sumikat sa taunang Taong Putik Festival bilang pagpupugay kay St. John The Baptist sa Barangay Bibiclat sa bayan ng Aliaga.
Ginawa ni Jeffrey Valino Malaruat, tubong Aliaga, ang nanalong costume ay may tahing hugis krus na sumisimbolo sa religious significance ng Taong Putik.
Firt runner-up naman ang nature-inspired floral long gown ng San Antonio, na gawa sa tambo at palay. Ito ay binuo gamit ang mga kulay na gold, silver at green, na nagrerepresenta sa kulay ng Nueva Ecija.
PNA