Kalmado si ACTS-OFW Party- List Rep. Aniceto “John” Bertiz III habang paulit-ulit na humihingi ng paumanhin nang humarap siya kahapon sa mga mamamahayag sa Kamara kasunod ng pagba-viral ng kanyang pambu-bully umano sa security officer ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Sabado.

“Again I would like to extend my sincerest public apology, to the netizens,” sinabi ni Bertiz sa biglaang press conference sa Kamara kahapon.

“I shouldn’t act that way, it’s uncalled for...I shouldn’t have grabbed the ID of the gentleman (NAIA security aide)... I have no intention of harming [him],” anang first-term congressman.

Nag-viral nitong weekend ang mga video ni Bertiz habang mistulang binu-bully ang isang security personnel sa NAIA na sinita siya sa hindi niya pag-aalis ng kanyang sapatos habang sumasailalim siya sa body check.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa isang bahagi ng video, makikitang inilapit ni Bertiz ang kanyang ID sa mukha ng security aide bago nagmistulang hinanapan ng ID ang jacket ng lalaki.

“Tao lang po na marupok, nai-stress at umiinit ang ulo,” sabi pa ni Bertiz. “Patawad po.”

BINA-BASH ANG PAMILYA

Nag-sorry rin si Bertiz sa kanyang misis at sa kanilang mga anak, na bina-bash umano online dahil sa kanyang ginawa.

“Napakahirap po pala na nagba-viral, hindi ka makatulog, [my children] are being bashed in social media, they had to take their accounts down,” aniya, at inaming nakatatanggap na rin siya ng death threats.

“Murahin n’yo na po ako but let’s spare our children,” apela ni Bertiz.

Tinawag naman ni Bertiz na “fake” ang isang pahinang liham na humihiling na patalsikin siya sa Kongreso.

IPINASISIBAK NG OFWs

Kahapon, hiniling ng grupo ng mga OFW sa Hong Kong na sibakin si Bertiz bilang kinatawan nila sa Kamara, dahil sa hindi pagiging arogante umano nito.

“Bertiz has crossed the line so many times. He should be punished by the House of Representatives for disorderly behaviour and be expelled from Congress,” panawagan ni Dolores Balladares- Pelaez, chairperson ng United Filipinos in Hong Kong.

Iginiit naman ni Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na dapat na maimbestigahan ng Kamara si Bertiz upang matukoy kung umabuso ito sa kapangyarihan.

Hindi na rin nagbigay ng pahayag si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, at a halip ay inatasan si Suarez na tugunan ito.

Pero sinabi ni Suarez na nananatiling Assistant Minority Leader ng Kamara si Bertiz, at walang dahilan upang tanggalin ito sa puwesto.

‘WAG PA-SPECIAL

Kasabay nito, pinayuhan ng Malacañang ang mga opisyal ng pamahalaan na sundin ang protocol sa airport.

Bagamat nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque kahapon na hindi muna siya magbibigay ng komento dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon ng NAIA sa usapin, iginiit niyang hindi dapat humingi ng special treatment ang mga opisyal ng pamahalaan.

May ulat ni Argyll Cyrus B. Geducos

-ELLSON A. QUISMORIO, BEN R. ROSARIO, at LESLIE ANN G. AQUINO