Patuloy na mino-monitor ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sitwasyon sa Central Sulawesi sa Indonesia, kasunod ng pagtama nang malakas na lindol at tsunami roon, nitong Biyernes.
Puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Embahada ng Pilipinas sa Indonesia sa Indonesian authorities.
“We stand ready to respond and extend any assistance, taking into account particular needs on the ground as may be indicated by Indonesia, a close neighbor and fellow ASEAN member,” pahayag ng DFA.
Samantala, isinasapinal pa ng DFA ang tulong na ibibigay ng Pilipinas sa Indonesia.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakausap na niya si DFA Usec. Ernesto Abella at tiniyak nito sa kanya na isinasapinal na ang maiaalok na tulong para sa Indonesia.
Sa kabilang dako, wala pang ulat na may namatay na Pinoy sa insidente.
Mahigit 800 katao na ang nasawi sa lindol, na may lakas na 7.4 magnitude, ayon kay Philippine Ambassador to Indonesia Leehiong T. Wee.
-Bella Gamotea at Beth Camia