HINDI prioridad ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagnanasa ni Senator Antonio Trillanes IV na imbestigahan na ang mga kontratang pinasok ng security agency na pag-aari ng pamilya ni Solicitor General Richard Gordon.
Sa panayam sa kanya sa radio, sinabi ni Gordon na maraming
trabahong nakabimbin sa kanyang komite na naghihintay na maaksiyunan. Uunahin niya, aniya, ang higit na mahalaga.
“Ang listahan na dapat imbestigahan ay napakahaba. Naaawa ako sa aking staff. Kaya sabi ko pipiliin natin, dahil karapatan naman natin ito, kung alin ang uunahin,” wika ni Gordon.
Binanggit ito ng Senador pagkatapos sabihin ni Trillanes na hihilingin niya sa Blue Ribbon Committee na simulan na ang pagdinig hinggil sa kontratang naigawad sa Vigilant Investigation and Security Agency, Inc. na pag-aari ni Calida at ng pamilya nito.
Ayon kay Gordon, binibigyan ng prioridad ng komite ang iba pang imbestigasyon tulad ng umano ay paglipat ng P10.6-bilyon pondo na nakalaan sa health insurance premium ng mga senior citizen. Gaya rin ito, aniya, ng sigalot sa Dengvaxia. “Napakalaking pera nito, sino ang kumuha nito sa PhilHealth?” paliwanag ni Gordon.
Ang Vigilant Investigation and Security Agency, Inc., ayon sa records ng Security Exchange Commission, ay kina Calida at sa kanyang pamilya. Kasi, ang 60% ng shares of stocks ay nakapangalan kay Calida at ang nalalabi ay pinaghati-hati sa mga miyembro ng kanyang pamilya. Labing apat ang napagwagian ng security agency mula Agosto 2016 hanggang Enero 2018. Dalawa sa mga kontratang ito ay sa Department of Justice (DoJ) na nagkakahalaga ng P12.4 milyon.
Hindi nagkaunawaan noon sina Trillanes at Gordon nang iniimbestigahan ng komite ng huli ang P6.4-bilyon halaga ng shabu na naipuslit sa Bureau of Customs (BoC). Hinarang ni Gordon ang kahilingan ni Trillanes na ipatawag sa pagdinig ang anak ng Pangulo na si dating Vice Mayor Duterte ng Davao at ang kanyang manugang, asawa ng kanyang anak na si Mayor Sara Duterte, na si Atty. Manases Carpio hinggil sa kanilang naging partisipasyon sa umano’y pagpupuslit ng droga. Natawag tuloy ni Trillanes ang Blue Ribbon Committee na “komite de abswelto.”
Bagamat sinabi ni Gordon na hindi niya iniiwasan ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng komite, matatawag uli ni Trillanes na ang kanyang komite ay “komite de abswelto”. Totoo, napakalaking pera at para sa kapakanan ng mga senior citizen ang hindi dapat makalagpas sa imbestigasyon para malaman kung sino ang nakinabang dito. Pero, higit na dapat munang bigyan ng prioridad ang ginawa ni Calida sa gobyerno.
Bilang SolGen, abogado siya ng gobyerno. Dapat iginagalang niya ang kanyang kliyente at hindi pinagsasamantalahan. Eh siya pa naman ang umuusig sa mga taong may hindi ginagawang maganda sa gobyerno. Ano ang kanyang moral authority na gawin ito kung siya ay maaaring walang ipinagkaiba sa kanyang inuusig?
Ang reklamo ng Pangulo ay nahihirapan daw siyang puksain ang kurapsiyon. Paano siya hindi mahihirapan, eh, ang mga tauhan niya ang inaakusahang gumagawa nito, at ang “kabig” niya sa Senado ay ayaw itong imbestigahan?
-Ric Valmonte